COPYING, REPOSTING, SHARING, AND EXPORTING POSTS FROM PINOY HORROR STORIES TO OTHER WEBSITES OR FORUMS ARE ALLOWED AS LONG AS YOU PROPERLY CREDIT IT TO US. THANK YOU AND GOD BLESS!

Share

Biyernes, Nobyembre 16, 2012

Santa Monica: A Filipino Ghost Story Chapter VIII: Simbahan


Alas singko y medya, Martes.

Matumal ang daloy ng tao sa buong Santa Monica. Maagang nagsisiuwian ang mga tao, tila ba ay mayroon silang kinakatakutan.

Tuwing alas kwatro y medya hanggang ala sais ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes ang schedule ng pangungumpisal sa simbahan ng Santa Monica, ngunit sa tingin ni Father Castelo ay maaga siyang matatapos sa araw na iyon. Alas singko pa lamang ay halos wala nang tao sa harap ng simbahan, at ang ilang mga natitira ay nagsisimula nang magsialisan.

Dalawa lamang ang pari sa simbahan ng Santa Monica, at sa hapong iyon ay wala ang kasamahan ni Father Castelo at siya lamang ang nagpapa-kumpisal. Kakatapos lamang ng isang parokyanong mangumpisal, at paglabas nito ay sinilip ni Father Castelo sa kurtina kung ilan pa ang mga nakapila. Ang kalalabas lamang na nangumpisal ay dumiretso sa harap ng altar at lumuhod upang magdasal. Maliban dito ay may isang babaeng nakasuot ng puting belo na lamang ang nakapila para mangumpisal.

Ang babae ay tumayo mula sa kinauupuan nito at nagsimulang maglakad patungo sa confession booth.
Isinara ni Father Castelo ang kurtina at hinintay ang pag pasok ng matandang babae.

Pumasok ang babae at agad sinabing“ Tulungan niyo po ako padre.” Ang tinig nito tila ba ay puno ng pangamba, pagkabalisa at pagkatakot. Nagulat ang pari pagkat mukhang hindi pangkaraniwan ang babae.

“Sige, anak, sabihin mo kung ano ang iyong problema.” Bagamat ay medyo nagtataka, pinilit ni Father Castelo na magsalita ng malumanay para pakalmahin ang balisang babae.

“Pinatay ko po ang aking asawa.”

Nagulat ang pari at bahagyang natahimik sa sinabi ng babae.

“Tulungan niyo po ako, padre. Paano po ako patatawarin ng mahal na Panginoon?”

Hindi agad nakapagsalita si Father Castelo dahil sa mga rebelasyon ng babae. Ngunit di nagtagal ay pinilit nitong sagutin ang matandang babae. “Anak, sa mata ng Diyos, lahat tayo ay pantay pantay. Mahal Niya tayong lahat, at lahat tayo ay may espesyal na puwang sa Kanyang puso.”

“Dahil sa pag ibig sa atin ng Diyos, walang kasalanan ang hindi Niya kayang patawarin. Ngunit may mga bagay tayong—”

“Pero padre, nakapatay po ako ng tao. Pinatay ko po ang asawa ko!” Biglang sabat ng babae. “Ayoko ko pong mapunta sa impyerno, padre, tulungan niyo po ako, iligtas niyo po ako!” Dumating sa punto na binuksan ng babae ang kurtina ng screen sa pagitan nila ng pari at sinubukang abutin si Father Castelo. Ang mga kamay nito ay nakadiin sa screen.

“Anak, kumalma ka lam--”

“25 taon ko na po siyang asawa, at sa loob ng mga panahong iyon ay hindi siya tumigil sa panloloko sa akin. Maiintindihan naman po siguro ako ng Diyos, di ba po? Di ba?” nawawalan na ng kontrol sa sarili ang babae.

Sa sobrang pagkagulat ay walang nasambit si Father Castelo at tiningnan lamang ang babae, ang mga mata nito ay nanlalake sa takot.

“Bakit hindi kayo sumasagot, padre, bakit? Bakit!?” nagiging histerikal na ang babae. “BAKIT?” sigaw ng babae.

Nanigas sa pagkatakot si Father Castelo pagkat naalala niya ang insidenteng nangyari sa simbahan tatlong taon na ang nakaraan.

Isang hapon noong 2007 ay may isang matandang babaeng may kapayatan ang pumunta sa simbahan upang mangumpisal, parehong pareho ang deskripsyon nito sa kasalukuyang nangungumpisal kay Father Castelo.
Ang babaeng nangungumpisal noon ay mukha ring balisa at wala sa sarili. Ayon sa mga nakakita ay pumasok ang babae sa confession booth at wala namang iregular na nangyari noong una. Ngunit di nagtagal ay narinig na lamang nila ang pagsigaw ng babae na tila ba ay nababaliw na ito.

Mabilis ang sumunod na mga nangyari; lumabas sa booth ang babae at pumasok sa kung saan nakaupo ang pari at sinabing “Kung hindi niyo ako matutulungan, father, samahan niyo nalang ako sa impyerno!” At saka bumunot ng kutsilyo mula sa isang maliit na bag at sinaksak ang pari sa puso. Pagkatapos ay nilaslas nito ang sarili niyang leeg. Parehong namatay ang babae at ang pari. Samantala, ang sinasabing asawa ng babae ay natagpuang nakalibing sa likuran ng bahay nila, ang katawan ay pinagpuputol at ibinalot sa sako ng basura.
Isang taon pa lamang si Father Castelo sa simbahan ng Santa Monica ngunit marami na itong nalalaman sa bayan. Isa ang kwento tungkol sa babaeng nakapatay ng pari sa mga pinaka-tumatak sa isip ni Father Castelo. Dahil sa takot ay medyo nanakit ang dibdib ng pari.

Sa dalawampung taong paninilbihan ni Father Castelo sa simbahang katolika, sa Santa Monica lamang siya aktwal na natakot sa mga masasamang elemento.

Di nagtagal ay narinig niyang binuksan ng babae sa kabilang panig ng booth ang kurtina at lumabas ito. Halos di na makahinga si Father Castelo sa kaba sa kung anong sunod na mangyayari.

Ilang Segundo pa ang lumipas at bigla na lamang may nagbukas sa kurtina kung saan naka upo ang pari.
“Father Castelo? Ayos lang po ba kayo?” sabi ni Lola Perla sa pari. Pawisan, mabilis ang paghinga, at namumula ito sa takot.

***

“Father, nangangamba po ako para sa Santa Monica.” Sabi ni Lola Perla kay Father Castelo.

Batid ni Father Castelo kung ano ang nangyari sa Santa Monica tatlong dekada na ang lumipas. Ang Santa Monica ay binubuo ng mga relihiyosong tao, kaya pakiramdam ng mga matatandang taga-Santa Monica na dapat ipaalam sa mga nagiging pari sa bayan ang nangyari noong 1980.

Inimbitahan ni Father Castelo si Lola Perla na pumunta sa tirahan nito sa likod ng simbahan at mag-kape.
“Bakit naman po, Aling Perla?” tanong ng pari.

“Ang mga signos po, ang mga bulung bulungan ng mga taong bayan. Sigurado po akong nangyari na ito dati. Ang pulang buwan, ang mga hindi maipaliwanag na mga pangitain. Hindi ko po mapigilang mangamba. Parang nangyayari ulit ang mga nangyari noong 1980 dito sa bayan.” Sabi ni Lola Perla.

Hindi agad nagsalita sa Father Castelo, pagkat sa dalawang dekada niyang pagiging pari ay kailanman hindi pa siya nakakita ng multo, demonyo, o iba pang mga supernatural na mga bagay, ngunit nitong hapon lamang ay halos mamatay na siya sa takot. Kakaiba ang bayang ito, kakaiba talaga ang Santa Monica, sabi nito sa kanyang isip.

“Alam mo, Aling Perla, ang mga mangyayari ay mangyayari. Lahat ito ay alam ng Diyos, at naniniwala akong hindi Niya pababayaan ang mga tao dito sa Santa Monica.”

“Wag kang mag alala, Aling Perla, magiging maayos ang din ang lahat.” Ngunit hindi lubos na naniniwala si Father Castelo sa kanyang mga sinabi. Bagamat ay buo ang paniniwala at tiwala ng pari sa Diyos ay, hindi pa rin niya maikakaila na minsan talaga ay may mga masamang nangyayari, maaring hindi gawa o pinahintulutan ng Diyos, ngunit ng mga maiitim na puso ng mga tao.

***

Alas siyete ng gabi.

Mag isa lamang si Steve sa kanilang tahanan. Tumawag ang kanyang Lola Perla bandang mga alas singko y medya at nagsabing mahuhuli ito ng uwi pagkat mayroon itong mga dadaanan.

Nanonood lamang si Steve ng TV at nag iisip tungkol sa susunod niyang hakbang upang subukang pigilan ang masamang mangyayari sa Santa Monica.

Simula Miyerkules hanggang Biyernes ay kanselado na ang mga klase sa Santa Monica High School pagkat paghahandaan ng mga guro at mga estudyante ang nalalapit na prom night sa Sabado; ang mga dekorasyon, mga presentasyon at mga sayaw at iba pang mga bagay tungkol sa programa.

Bagamat ay ililista pa rin ang attendance ng mga estudyante (kakailanganin sila sa pag aayos para sa prom night at mga pag eensayo sa mga sayaw) ay planado na ni Steve ang kanyang mga gagawin sa mga susunod na araw. Sa pagpatak ng alas dose ng madaling araw ay tutungo ang binata sa La Oscuridad. Pag nakakuha siya ng sagot mula sa kakahuyan ay ibubuhos niya ang nalalabing oras upang pigilan ang kaaway na hindi niya batid kung sino, at kung saan at kalian ito aatake.

Alam niyang delikadong pumunta sa kakahuyan sa mga ganoong oras, pero wala siyang ibang mapagpipilian. Kapag umalis siya kung kalian ay gising pa o nasa bahay ang kanyang lola ay wala siyang magagawa kundi aminin ang totoo o mag-sinungaling, parehong bagay na ayaw niyang gawin. Hindi niya rin naman pwedeng ipagpabukas ang pagpunta sa kakahuyan dahil pakiramdam niya ay nauubusan na siya ng oras.

***

Alas diyes ng gabi.

Nakahiga na si Ella at handa nang matulog ng mag isa sa kanyang kwarto. Bagamat ay may alinlangan, pinipilit pa rin ni Ella na maging matapang. Nag-alok ang yaya ni Ella na siya ay samahan ngunit kanya itong tinanggihan.

Nagdasal muna si Ella bago niya pinatay ang bedside lamp. Kahit na siya ay medyo natatakot, ipinikit ni Ella ang kanyang mga mata at nagsimula na siyang matulog.

***

Alas onse ng gabi.

Nagising si Olivia ng malalakas na pagkatok mula sa pintuan ng “red house”. Kahit na inaantok pa ay tumayo si Olivia sa kanyang higaan. Madilim na sa buong bahay at hindi na siya nag abala pa na magbukas ng mga ilaw pagkat kabisado niya na rin naman ang mga pasikot sikot sa bahay.

Habang naglalakad sa may dining area ng bahay ay parang may naramdaman siyang “presence” ng ibang tao, pero dahil may kumakatok ay hindi niya na lang ito pinansin.

“Olivia!” pagtawag ng isang lalake mula sa labas.

Binuksan ni Olivia ang pintuan.

“Dr. Mark?” sabi ni Olivia nang makita niya ang doktor.

“Olivia,” sabi ni Dr. Mark, bakas sa mukha nito ang pagka-sabik na makita si Olivia.

“Anong meron at naparito ka? Ang lalim ng gabi ah?” sabi ni Olivia. Bagamat ay nagtataka, sa kalooblooban niya ay natutuwa siyang makita muli ang doktor. “Ayos ka lang ba, Dr. Mark?”

“Mark na lang ang itawag mo sa akin, Olivia.” Sabi ng doktor, hindi niya mapigilang ngumiti dahil nasa harap niya muli si Olivia. “Yayayain sana kitang pumunta sa karatig bayan, sa Santa Theresa.”

Binuksan ni Olivia ang ilaw at inimbitahan si Dr. Mark sa loob.

“Upo ka. Dr. Mark…Este, Mark, gusto mo ba ng kape? Soft drinks?” sabi ni Olivia. Hindi niya alam kung bakit pero tuwing kasama niya si Dr. Mark, parang sumasabog ang kanyang puso sa tuwa.

“Ah, okay lang ako.” Sabi ni Dr. Mark. Umupo silang dalawa sa sofa at nag usap.

“Ano nga palang meron sa Santa Theresa at nagyayaya kang pumunta roon ng ganitong oras?” tanong ni Olivia.

“Naistorbo ba kita? Pasensya na—”

“Hindi ayos lang. So, ano nga bang meron doon?”

“Bisperas ngayon ng pista sa Santa Theresa, at tuwing bisperas ng gabi ay nagkakaroon doon ng sayawan, kainan, at iba pang mga pagdiriwang. Isa sa mga pinaka-dinarayo sa Santa Theresa ay ang magarbo nilang mga fireworks tuwing hatinggabi bago ang pista. At naisip ko lang naman dahil off duty naman ako ngayon, at narito ka sa lugar na malayo sa kung saan ka nakatira para mag-relax, na baka gusto mong sumama. May sasakyan naman ako, so pwede tayong pumunta o umalis sa Santa Theresa kung kalian natin gusto…”

Hindi agad nakasagot si Olivia. Itinatago lamang ni Olivia ang nararamdaman, pero sabik itong makasama si Dr. Mark.

“Pero kung ayaw mo, ayos lang rin naman.” Sabi ni Dr. Mark nang hindi agad nakasagot si Olivia.

“Ay, hindi. Gusto ko rin. Sasama ako, Mark.”

Napangiti si Dr. Mark sa narinig.

***

Alas dose ng madaling araw, Miyerkules.

Tulog na si Lola Perla at tahimik na sa buong bahay. Kakagising lang ni Steve. Handa na ang kanyang mga gamit at planado na niya ang kanyang mga gagawin.

Tahimik na lumabas si Steve sa kwarto at sa bahay. Tutungo na siya sa kakahuyan ng La Oscuridad.

***

“Ella…Ella…Ella…”

Nagising si Ella dahil sa kanyang narinig. Pero imbes na matakot ay tila ba napakalma pa siya ng misteryosong tinig.

Bumangon si Ella sa kanyang higaan at sinundan ang tinig na tumatawag sa kanyang pangalan.

Naglakad siya at sinundan ang tumatawag sa kanya. Hindi niya alam kung sino ito o kung bakit, pero ang bulong sa kanya ng kanyang isip ay dapat niyang sundan ang misteryosong tinig.

Wala si Ella sa kanyang sarili, at kung saan man siya dalhin ng misteryosong tinig, tadhana na ang huhusga kung ano ang maghihintay sa kanya roon.


Chapter IX: La Oscuridad of Santa Monica: A Filipino Ghost Story is already available on Wattpad. Click here to read in advance.

Walang komento:

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Your Ad Here

Disclaimer

The pictures and videos posted here in PHS aren't our properties unless stated. We get pictures and videos from the internet and post it here. Some stories also came from the internet and we carefully credit the stories to its respectful owners or sources. However, if you have or if you own something here in PHS, you can tell us to remove it and we will do so if we have confirmed that you're the owner. Tell us at pinoyhorrorstories@gmail.com

Some stories/videos/pictures of PHS are properties of PHS. It can be written by PHS authors, or submitted by a PHS reader.

We allow the readers to share the posts and stories posted here in PHS to other websites as long as they properly SOURCE or CREDIT the story to us.

STORIES, VIDEOS, OR PICTURES that are posted here can either be FICTIONAL or a REAL ENCOUNTER.

WE ARE TERRIBLY SORRY FOR SOME MINOR GRAMMATICAL AND TYPOGRAPHICAL ERRORS IN THIS BLOG. WE ARE NOT PROFESSIONAL WRITERS, WE HOPE YOU UNDERSTAND. THANK YOU.

  © Blogger templates Romantico by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP