COPYING, REPOSTING, SHARING, AND EXPORTING POSTS FROM PINOY HORROR STORIES TO OTHER WEBSITES OR FORUMS ARE ALLOWED AS LONG AS YOU PROPERLY CREDIT IT TO US. THANK YOU AND GOD BLESS!

Share

Lunes, Enero 6, 2014

Santa Monica: A Filipino Ghost Story Chapter XIII: Santa Monica 1980 Part 1

Bayan ng Santa Monica, Lunes, May 12, 1980.

Maaliwalas, masaya, walang pangamba; yun ang bayan ng Santa Monica bago nangyari ang pinaka hindi inasahan ng lahat, kung saan tatlong buhay ang nasayang, at isang binata ang napigilang maghasik ng kaguluhan at kadiliman sa bayan.

***

Alas singko ng hapon, Lunes, May 12, 1980.

Katatapos lamang ng misa sa simbahan ng Santa Monica.

Ang lahat ay masaya, maligalig, at para bang nagdiriwang, pagkat iyon ang huling Lunes bago ang nalalapit na pista ng Santa Monica sa darating na Sabado.

Ngunit ang masayang pakiramdam ng bawat tao ay bigla na lamang nasira nang mayroon silang narinig na pagsigaw at pag-iyak mula sa isang maliit na batang babae.

Nagsisilabasan na ang mga tao noong oras na iyon mula sa simbahan, at dahil sa narinig lahat sila ay nagmadaling lumabas upang makita ang pinaguugatan ng komusyon.

Sa labas ng simbahan, nakita nila ang isang batang babae, umiiyak ito at sumisigaw; ang bata ay nakaturo sa kampanaryo ng simbahan.

Nang makita ng mga tao ang itinuturo ng bata, lahat ay natigilan, natakot, at nagimbal.

Hindi nila alam na iyon na ang hudyat ng pagsisimula ng pinaka-madilim na panahon sa Santa Monica.

***

Kakatapos lamang ng misa, binabaybay ng magkakaibigang sina Emily, Mickey, at Esmeralda ang pasilyo palabas ng simbahan.

Ang tatlo ay kabilang sa mga pinaka-huling nagtapos ng high school sa Santa Monica High School, at gaya ng iba, sila ay nanabik rin sa mas malaking mundong kanilang papasukin sa kanilang pagkokolehiyo.

“Hay, nanabik na talaga ako.” Sabi ni Esmeralda, na mas tinatawag ng mga taong nakakakilala sa kanya bilang Esme.

“Ano bang plano mo, Esme?” tanong naman ni Mickey.

“Plano ko maging doktor, pero gusto ko rin maging manunulat.”

“Aba, eh pwede mo namang pagsabayin yun di—”

Biglang naantala ang pagsasalita ni Mickey ng bigla na lamang narinig ng lahat ang napakalakas na pagsigaw ng isang bata mula sa labas ng simbahan.

Dahil sa narinig, lahat ng nasa loob pa ng simbahan ay nagmadaling lumabas upang makita kung ano ang nangyari, at sa labas ng simbahan, nakita nila ang isang batang babaeng umiiyak at sumisigaw na nakaturo sa batong kampanaryo, o tore ng kampana ng simbahan.

Lahat ay natahimik nang una nilang masilayan kung ano ang itinuturo ng mga bata. Lahat ay natakot, nagtaka, at nagimbal.

Sa kampanaryo ng simbahan, nakasabit at dumuduyan pa sa hangin ang isang katawan ng kambing na pinutulan ng ulo, ang dugo nito ay tumutulo pa mula sa tore na tila ba ito ay presko pa, na ang nagsabit nito ay kaaalis lamang bago natapos ang misa.

Di nagtagal ay kumalat ang maraming bulung-bulungan sa paligid ng simbahan, lahat ay may kanya kanyang kwento, haka-haka, at mga komento.

“Sino namang nasa matinong pag-iisip ang gagawa niyan?” sambit ni Mickey, nakakunot ang noo nito sa inis sa nakita.

Si Esme naman ay tinakpan ang kanyang bibig upang pigilan ang sariling maiyak.

“Esme, okay ka lang?” tanong ni Mickey sa kaibigan.

“O-okay lang ako…”

Sa kabilang banda, nang unang beses pa lamang na nakita ni Emily ang masamang tanawin ay nagkaroon na ito agad ng napakasama at napaka nakakatakot na pangitain.

Takot, kaguluhan, dugo, kamatayan…

Hindi malinaw, hindi klaro, walang konkretong mga imahe ang naging pangitain ni Emily, pero isang pigura ang kanyang nakita, isang pigurang nababalot ng kadiliman, at ang tanging mensahe ng pigura ay ang paparating na kaguluhan sa Santa Monica.

Nang matapos ang pangitain ay hiningal si Emily sa kaba, ang puso niya ay tumitibok ng napakalakas.

“E-Emily?” pagtawag ni Mickey sa atensyon ng kaibigan ng mapansin niyang humihinga ito ng mabilis. “Anong nangyayari sa’yo?”

“A-a-ah…wala. Okay lang ako, wag niyo ko pansinin.”

Dahil sa naging reaksyon ni Emily, hindi na napigilang umiyak ni Esme sa takot, at tumakbo ito palayo upang itago ang kanyang pag-iyak.

“O, anong nangyari dun?” sabi ni Mickey. “Tara, sundan natin.”

“S-sige.” Tugon ni Emily.

Naunang tumakbo si Mickey, at nang susunod na sana si Emily ay bigla na lamang itong natigilan. May naramdan ang dalagitang napakaitim at napakabigat na aura sa paligid. Tumitingin tingin si Emily, at nakita niya ang isang napakamisteryoso at kakaibang binata.

Sa ilalim ng isang puno ng mangga sa harapan ng simbahan, nakatayo ang isang binatang lalake, nakasuot ito ng puting damit, at lumang maong. Gaya ng iba, nakatingin din ang binata sa katawan ng kambing. Pero imbis na takot at pagkagulat, ang reaksyon na nakapinta sa mukha nito ay pagkatuwa at pagkasabik. May napakalaki at napakawirdong ring ngiti ang mga labi ng misteryosong lalake.

Hindi makilala ni Emily ang binata. Sigurado ang dalagita na kailanman ay hindi pa niya nakita ang misteryosong binata. Dahil sa kakaiba at wirdong aura ng binata ay, sa kabila ng pangako niya sa sariling di na niya muling gagamitin ang kakayahan niyang iyon, muli, ginamit niya pa rin ito: ang magbasa ng isipan.

Di gaya ng iba, maraming kayang gawin si Emily na pinapangarap lamang ng marami.

Kaya ng 15-anyos na dalagita na magbasa ng isip ng ibang tao kung kalian niya gustuhin, kaya niya ring mahulaan ang mga bagay na nangyari na o mangyayari pa lamang sa pamamagitan ng mga pangitain na dumarating sa kanya.

Pero ang isang kakayahan ni Emily na pinaka-ikinakatakot niya ay ang kakayahan niyang makakita ng mga kaluluwang hindi matahimik. Kahit alam niyang nagagawa niya ito simula nung siya ay maliit pa, hanggang ngayon ay natatakot pa rin siya rito.

Dahil sa napakakakaibang dating ng misteryosong binata ay wala nang napagpilian si Emily kundi basahin ang isip nito, pero nang sinusubukan niya nang pasukin ang diwa ng binata ay bigla na lamang nangyari ang hindi niya inaasahan: siya ay biglang nahilo at bigla ring sumakit ang kanyang ulo, napakapit siya sa pader ng simbahan upang pigilan ang sariling matumba.

Nang tiningnan niyang muli ang lalake ay nakatingin na rin ito sa kanya, ang malaking ngiti sa labi nito ay hindi pa rin nawawala.

“Jerome”, isang misteryosong tinig ang narinig ni Emily.

“Jerome?” napabulong si Emily.

“Emily, halika na! Umalis na tayo dito!” pagtawag ng mga kaibigan kay Emily.

“A-ah, sige, pupunta na ako diyan.”

Muling tumingin si Emily sa kaninang kinatatayuan ng binata, ngunit wala na ito doon, at kasabay ng pagkawala ng misteryosong binata ay ang pagkawala rin ng sakit ng ulo at pagkahilo ni Emily.

Habang naglalakad papunta sa mga kaibigan, napatingin si Emily sa langit, at nakita niya ang buwan sa pinakakakaiba nitong itsura: ito ay kulay pula, na tila ba ay nagbibigay ng babala sa kadilimang paparating sa bayan ng Santa Monica. Hindi nagustuhan ng dalagita ang nasilayan.

***

Martes, alas dose y medya ng tanghali.

Nasa sala si Emily ng kanilang tahanan, mag-isa lamang siya at nag-iisip.

Hindi pa rin mawala sa kanyang isipan ang mga nangyari sa simbahan noong Lunes ng hapon. Malaking palaisipan para sa dalagita ang mga naganap, napakalabo at hindi pa rin niya lubos na mawari kung ano at paano nangyari ang mga nangyari.

“Sino ang binatang nakita ko kahapon? Bakit parang alam niya na sinubukan kong basahin ang kanyang isipan?” napabulong si Emily sa sarili. “At…saan nanggaling ang narinig kong pangalang ‘Jerome’? Iyon ba ang ngalan ng binata?”

“Kung siya nga si ‘Jerome’, paano niya nagawang iparating sa akin ang kanyang mensahe? Kaya niya rin bang magbasa ng isip, makakita ng multo? May mga kapangyarihan ba siya? Maari kayang may kinalaman si ‘Jerome’ sa gulong mangyayari sa Santa Monica?”

“Isa lamang ang paraan: kailangan ko siyang muling makita.”

Tumayo si Emily sa kanyang kinauupuan at agad lumabas ng bahay upang maghanap ng mga kasagutan sa mga tanong si kanyang isipan.”

***

Ala una ng hapon.

“Maliban sa kakaiba niyang dating, ano pa ba ang nakita mo sa kanya at nagkakaganyan ka?” nakangiting pagtatanong ni Michael, isang pulis sa Santa Monica. “Gwapo ba?”

“Kuya naman!” aniya ni Emily.

Si Michael ay isang 25-anyos na pulis. Malapit siya kay Emily pagkat siya ang naging tagapag-alaga ni Emily noong ito ay maliit pa. Dahil sa haba ng kanilang pinagsamahan, parang magkapatid na ang dalawa.

Sa hapong iyon ay naisipan ni Emily na dalawin ang kaibigang pulis sa mismong police station ng bayan.

“Kanina ka pa kasi kwento ng kwento tungkol sa kanya eh.”

“Kuya, kung alam mo lang. Malakas talaga ang hinala ko na siya ang naglagay ng kambing doon sa kampanaryo.”

“Naku, Emily, mahirap mag-bintang.”

“Mahirap at masama ang mag-bintang, pero minsan, tama lang ang mag-hinala para maging handa ka sa kung ano man ang naka-akmang mangyari, mabuti man ito o masama.”

Natahimik si Michael sa sinabi ni Emily, pagkat sa mura nitong edad ay parang matanda na ito magsalita.

“A-ahhhh...Ano nga ang pangalan ng binatang ito?”

“Hindi ko alam, eh.” Pagsisinungaling ni Emily, pagkat malakas ang kanyang kutob na ang “Jerome” na kanyang narinig ay ang pangalan ng misteryosong binata.

“Ano ang plano mong gawin?”

“Wala.” Muling pagsisinungaling nito, pagkat ang tunay na dahilan kung bakit siya pumunta sa police station ay upang hintayin ang mga kaibigang sina Mickey at Esme, na plano niyang yayain maglakad-lakad, habang siya ay palihim na naghahanap sa kahit anong maaring magturo sa kanya kay Jerome.

Maya maya pa ay natanaw na ni Emily ang mga kaibigan na parating sa police station.

“Oh, Kuya, andyan na ang mga kaibigan ko. Aalis na ako.” Pagpapaalam ni Emily sa kaibigan.

“Oy, saan kayo pupunta? Nagpaalam ka na kay Mang Gary?” pagtatanong ni Michael kay Emily. Si Mang Gary ang ama ng dalagita.

Ngumiti lamang si Emily sa kanyang Kuya bilang pagsagot, at patuloy na naglakad palayo.

“Hoy! Di mo pa sinasagot ang tanong ko!” sabi ni Michael, ngunit nakalayo na si Emily at hindi na siya nito narinig.

***

Sa parke ng Santa Monica nagpunta ang magkakaibigang sina Emily, Mickey, at Esme.

Maaliwalas, presko, at mahangin ang lugar noong hapong iyon; konti lamang ang mga tao, ang parke ay tahimik at payapa.

Sa isang maliit na tindahan ng kakanin malapit sa parke napili ng magkakaibigan na magpalipas ng oras.

“Ano kaya magandang gawin ngayon?” tanong ni Mickey.

“Oo nga. Kumain kaya tayo? Tutal andito na naman tayo sa tindahan, eh.”

“Sige.”

Tumayo ang dalawa upang bumili ng pagkain, pero napansin nilang si Emily ay sa nakatingin lamang sa malayo na para bang may hinahanap, na wala ang atensyon nito sa kanila.

“Emily?” pagtawag ni Mickey, ngunit hindi siya narinig ng kaibigan.

“Emily?” muli namang pagtawag ni Esme. “Emily, okay ka lang ba?”

Sa pagkakataong iyon ay nagulat si Emily sa mga kaibigan. “O, ano meron?”

“Anong meron sa’yo?” sabi ni Mickey. “Kanina ka pa sa malayo nakatingin, ah? Okay ka lang ba?”

“Ayos lang ako.”

“Papabili ka ba ng pagkain? Bibili kasi kami, eh.”

“Ah, sige lang, okay lang ako.”

“S-sige, ikaw bahala.” Kapwa nagtaka si Mickey at Esme sa kakaibang kinikilos ni Emily, pero ang kanilang kaibigan ay nagpatuloy sa pagtingin sa malayo na para bang may hinahanap o inaabangan.

Kahit na napakaliit ng tsansang magpapakita si Jerome, ay hindi ito alintana ni Emily. Ang nais lamang niya ay makitang muli ang binata, at muling subukang basahin ang isipan nito. At kung muli man niyang makikita si Jerome, maari ring magkaroon siya ng panibagong pangitain na magbibigay sa kanya ng mga impormasyon ukol sa gulong darating sa Santa Monica.

Pero kung hindi magpapakita sa parke ang binata, balak ni Emily na mag-ikot ikot pa sa bayan…at kung wala pa rin si Jerome, may kutob si Emily na sa La Oscuridad, ay mayroong mangyayari.

***

Alas singko ng hapon.

Lumipas ang mga oras, at maraming lugar na sa buong Santa Monica ang naikot nina Emily, Mickey, at Esme.

Nagtaka na sina Mickey at Esme kung ano ba talaga ang nais gawin o ang hinahanap ni Emily, nagtataka rin ang dalawa kung bakit parang kanina pang wala sa sarili si Emily; wala na itong ginawa kundi tumingin sa kanyang paligid na para bang may hinahanap ito, ni hindi man lamang ito masyadong nagsasalita.

Maya maya pa ay naabot na nila ang daanan papunta sa La Oscuridad, at palabas mula sa parte ng Santa Monica na may mga kabahayan.

Ang daanan papunta sa Santa Monica ay isang mahaba at hindi sementadong kalsada. Sa unang bahagi ng daan, ang magkabilang parte ng kalsada ay binubuo lamang ng malawak na mga palayan, ngunit ang nasa may dulo na ng daan ay halos sakop na ng kakahuyan ng La Oscuridad.

Kaunting mga tao lamang ang nagpupunta bahaging iyon ng bayan, pagkat noon pa lamang ay punong puno na ng mga kwentong kababalaghan ang La Oscuridad.

Paniwala ng iba, simula pa noong naitatag ang bayan ng Santa Monica ay may mga kababalaghan na ang kakahuyang iyon, kaya ito nagkaroon ng pangalang “La Oscuridad”, na mga salitang Espanyol na may kahulugang “Ang Kadiliman”.

Lumipas pa ang ilang mga minute ay naabot na nila Emily, Mickey, at Esme ang kalsada sa kakahuyan ng La Oscuridad, na medyo malayo-layo na sa bayan.

Hindi na napigilan nina Mickey at Esme na tanungin si Emily kung ano ba talaga ang nais nitong gawin.

“Emily?”

“Ha?”

“Medyo malayo layo na tayo, ah. May hinahanap ka ba?”

“Ahhh, wala naman.”

“Tara, bumalik na tayo at dumidilim na.”

“Oo nga naman, Emily. Tara na.” dagdag ni Esme.

“Hindi pwede.” tugon ni Emily

“Bakit?” sabay na pagtatanong ni Mickey at Esme.

“Emily, may itinatago ka ba sa amin?” sabi ni Esme.

“Ahhh—”

“Emily.” Isang bulong ang narinig ni Emily.

“Narinig niyo ba yun?” pagtataka ni Emily.

“Ang alin?” tanong ni Mickey.

“Ahhh, wala.” Sabi ni Emily, biglang nagbago ang tinig nito pagkat naramdaman niyang nasa paligid na si Esme.

Humarap si Emily sa mga kaibigan. “Alam niyo, kanina niyo pa ako sinasamahan eh. Mas maganda siguro kung bumalik na kayo sa bayan, at ako’y susunod nalang. Batid kong napapagod na kayong dalawa.” Nakangiting sabi nito sa mga kaibigan.

“Sira ka ba? Sumama ka na sa amin, Emily.” Sabi ni Mickey.

“Hindi pwede. Makinig nalang kayo sa akin at mauna na kayo, may mga gagawin pa ako.”

“Anong gagawin? Kakagat na ang dilim, o! Emily, tara na, please?” pag-giit ni Esme.

“Mauna na kayo.” Mariing sabi ni Emily.

Napansin ni Mickey at Esme ang pagbabago ng tinig ni Emily, kaya napipilitan may ay walang nagawa ang dalawa kundi sumunod kay Emily.

Nang makaalis ang mga kaibigan, bigla na lamang nagbago ang temperatura sa lugar. Naramdaman ni Emily na bigla na lamang lumamig at lumakas ang pag-ihip ng hangin.

“Hehehe.”

May narinig si Emily na pagtawa.

Hindi malayo ang pinanggalingan ng tinig.

Nasa likuran na niya ito.

Bumilis ang tibok ng puso ni Emily, pero pilit niya itong itinago pagkat ayaw niyang magpakita ng kahinaan.

“Sino ka?” tanong ni Emily. Sinubukan niyang humarap, ngunit hinahawakan ng lalake ang kanyang balikat upang siya ay pigilan.

“Hindi ba’t nagpakilala na ako sa’yo?” sabi ng lalake. “Ako si Jerome.”

“I-ikaw ba ang may pakana ng komusyon sa simbahan? Ano ang pakay mo? Sino ka ba talaga?”

“Pssssh…wag kang masyadong matanong.” Sabi ni Jerome. “Alam mo, kailanman, ang paglalaro ng apoy ay hindi naging mainam sa mga gamu-gamu.”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Ibig kong sabihin, noong may pagkakataon ka pa sana ay lumayo ka na sa apoy. Kasi ngayon, gaya ng isang mapaglarong gamu-gamu, ikaw ay mamamatay, masusunog, mawawala sa mundong ito…”

Napalunok si Emily, at sinabing “Hindi ako natatakot sa’yo.”

“Kung ganun, dapat matakot ka na.” Maikling sabi ni Jerome.

At yun ang huling alaala ni Emily sa mga nangyari bago nandilim ang kanyang paningin at nawalan siya ng malay.

***

Alas onse ng gabi, Martes.

Sandaling nagising si Emily, at nakita niya ang kanyang mga magulang na nag-uusap sa tabi ng kanyang higaan.

Napansin ni Mang Gary, ang ama ni Emily, na nagising na ang kanyang anak.

“Emily? Anak?” sabi ni Mang Gary. “Anong nangyari sa’yo?” Pag-aalala nito.

Hindi nakasagot si Emily. Hindi pa niya lubos na maintindihan at maalala ang mga nangyari, nahihilo pa ito at medyo masakit ang ulo.

“Emily?”

“Gary, hayaan muna natin si Emily. Sigurado akong pagod pa yan.” Sabi ni Aling Cora, ina ni Emily, sa asawa nitong si Mang Gary. “Emily, magpahinga ka muna. Nag-iwan ako dito ng pagkain, kumain ka na lang ha.”

“Teka, marami pa akong itatanong kay—”

“Halika na, Gary.” At hinawakan ni Aling Cora ang kamay ng asawa at hinila ito sa labas ng kwarto.

“S-sandali—”

“Halika na.”

Nang maiwang mag-isa sa kwarto si Emily ay pinilit nitong umupo sa kanyang higaan. Pinilit niyang alalahanin ang mga nangyari, kung paano siya nakabalik sa kanilang bahay, at kanyang naalala ang mga nangyari.

Agad na nangamba si Emily, pagkat ang naging engkwentro niya kay Jerome ang kumumpirma sa kanyang mga kinatatakutan, sa gulong paparating sa Santa Monica.

At ang itim na pigurang kanyang nakita sa kanyang pangitain sa simbahan ay walang iba kundi si Jerome.

Ilang minuto nanatiling gising si Emily sa kakaisip tungkol sa engkwentro niya kay Jerome, hanggang sa nakaramdam na ito ng pagkagutom at pagkapagod. Kinain niya ang pagkaing iniwan ng ina, at bumalik na ito sa pagtulog.

Hindi naging payapa ang gabing iyon kay Emily.

Ang kanyang panaginip ay nabalot ng pangamba at takot.

Sa kanyang panaginip, nakita niya ang sariling nakatayo sa gitna ng kakahuyan, gabi na at napakadilim, halos wala siyang makita, hanggang sa narinig niyang muli ang isang nakakatakot na tinig na tumatawag sa kanya.

“Emily, Emily, Emily…”

Tumingin si Emily sa paligid, ngunit dahil sa napakadilim ng lugar ay wala siyang nakita maliban sa maraming puno na balot sa dilim.

Bagamat napakadilim ay naglakad lakad si Emily upang sundan ang tinig na tumatawag sa kanya.

“Emily…”

Muking narinig ni Emily ang tinig. Nagmula ito sa kanyang likuran.

Kahit natatakot, unti unting humarap si Emily, at nakita niya ang isang lalakeng may malaking ngiti, at may mga pulang nagliliyab na mga mata.

“Aaaahhhhhh!” Sa sobrang takot, napasigaw si Emily at natumba. Napahalakhak ng malakas ang lalake, sabay ang pagtubo ng dalawang malalaki at mapuputing mga sungay mula sa ulo nito.

At sa puntong iyon, nagising na rin ang dalagita, pawis na pawis ito at hinihingal.

“Jerome…” bulong niya sa sarili.

***

Alas otso ng umaga, May 14, 1980, Miyerkules.

Tahimik na nag-a-almusal ang buong pamilya nila Emily, walang nagsasalita sa kanila na para bang mayroon silang mga nais sabihin ngunt hindi nila masabi.

Naikwento ni Aling Cora sa anak kung paano ito nakauwi sa kanilang bahay. Ayon sa ina ni Emily, natagpuan siyang walang malay sa kalsada malapit sa kakahuyan ng La Oscuridad ng mga pulis, kasama ang kaibigan ni Emily na si Michael.

Ayon pa kay Aling Cora, ang mga pulis ay kagagaling lamang sa isang maliit na baryong sakop pa ng Santa Monica, in-eskortan nila ang Mayor, at kababalik lamang nila ng makita nila si Emily. “Swerte”, iyon ang deskripsyon ni Aling Cora sa pagkakatagpo kay Emily, pagkat maaring mas masama sana ang sasapitin ni Emily kung hindi ito agad na nakita.

Dahil sa nalaman, saka lang naintindihan ni Emily kung bakit siya ay nabubuhay pa rin. Maaring narinig ni Jerome ang mga sasakyan na parating kaya hindi nito nagawang mapatay ang dalagita.

Maaring ako’y nabubuhay pa rin ngayon pagkat nais ng Diyos na mayroon akong magawa upang pigilan si Jerome, napaisip si Emily.

Dahil sa “swerte” ni Emily, dahil natakasan niya ang kamatayan, mas lalo lamang itong mas naging pursigidong labanan si Jerome, na pigilan ang masasama nitong pakay sa Santa Monica.

“Ah…” sabi ni Emily.                      

Napatingin si Mang Gary at Aling Cora sa kanilang anak.

“Ma, Pa, aalis nga po pala ako ulit mamaya.” Nahihiyang sabi ni Emily sa mga magulang, hindi ito makatingin ng diretso sa kanyang nanay at tatay.

“Ah, Emily…” sabi ni Mang Gary. “Napag-usapan kasi namin ng iyong Mama na…”

Napatingin si Emily sa ama habang hinihintay ang karugtong ng sasabihin nito. “Na ano po, Pa?”

“Na hangga’t hindi pa kami siguradong ligtas ka, na hangga’t hindi namin alam kung ano ang nangyari sa’yo kahapon, kung sino ang may kasalanan, at wala ring report ang pulis…” dagdag ni Mang Gary, ngunit muli, hindi nito natapos ang nais niyang sabihin.

Mula nang mangyari ang engkwentro ni Emily kay Jerome ay wala pang napag-kwentuhan si Emily tungkol rito; maging ang mga kaibigan at magulang niya ay walang ideya sa kung ano ang tunay na nangyari.

“Hindi ka muna maaring lumabas ng bahay.” Pagtapos ni Aling Cora sa mga sinabi ng kanyang asawa.

“Ano?” sambit ni Emily, biglang tumaas ang boses nito. “Pero Ma, Pa—”

“Nakapag-desisyon na kami, anak. Para sa ikabubuti mo ito.” Maikling pahayag ni Aling Cora.

“Pero may kailangan akong—”

“Anak, makinig ka sa amin.” Diin ni Mang Gary.

Napatayo si Emily mula sa kinauupuan at hindi na napigilang maglabas ng kanyang saloobin. “Ma, Pa, kung habang buhay niyo akong planong pasunurin sa mga patakaran niyo, e bat hindi niyo nalang lagyan ng kandado ang kwarto ko at buksan niyo lang kung may kailangan kayo sa akin!”

Dahil sa sobrang sama ng loob ay tumakbo si Emily paakyat at nagkulong sa kanyang kwarto.

“Aba, ‘tong batang ‘to! Bumalik ka dito!” sigaw naman ni Mang Gary.

“Hayaan mo muna siya. Maiintindihan niya rin tayo.” Mahinahong sabi ni Aling Cora sa asawa.

***

Lumipas ang mga araw at hindi pa rin si Emily pinapayagang makalabas sa kanilang bahay. Mahigpit siyang binabantayan ng kanyang nanay at ng kanilang kasamabahay, maging ang kanyang mga kaibigang nais dumalaw ay hindi pinapapasok.

Ang pamilya ni Emily ay isa sa mga pinaka-may kayang pamilya sa Santa Monica. Ang kanyang ama ang may-ari at nagpapatakbo ng malalaking hardware stores sa Santa Monica at sa mga kalapit nitong bayan.

Dahil sa trabaho ng ama, tuwing gabi at umaga lang ito nasa kanilang bahay, kaya naiiwan si Emily kasama ang kanyang ina at kanilang kasambahay araw-araw.

Si Emily ay kaisaisang anak ng mag-asawang Gary at Cora, kaya sa mata ng iba ay tama lang na maging mahigpit at protektibo sila sa kanilang anak, pero para sa dalagita, minsan, siya ay nasasakal na, na tila ba’y bulag ang kanyang mga magulang sa katotohanang siya ay tumatanda na rin, na siya’y hindi na isang maliit na bata, na ang panahon kung kalian siya na ang magde-desisyon para sa kanyang sarili ay paparating na.

***

Alas kwatro ng hapon, Mayo 15, 1980, Huwebes.

Nakahiga lamang si Emily sa kanyang kama. Kakatapos lamang nito magbasa ng isang libro, ngunit dahil gulong gulo pa rin ang kanyang isipan dahil sa mga nangyayari, hindi ito nakapagbasa ng maayos, kaya itinigil niya ang ginagawa.

Gulong gulo pa rin ang isipan ni Emily. Habang tumatagal na hindi siya makalabas sa kanila, pakiramdam niya ay paliit ng paliit ang kanyang pagkakataong mapigilan si Jerome.

Kahit na walang tiyak na araw kung kalian mangyayari ang kinatatakutan ni Emily, ramdam niyang ito ay napakalapit na, maaring isa o dalawang araw na lang, kaya ganuon na lamang ang pangamba at pag-aalalang nararamdaman ng dalagita para sa Santa Monica.

“Emily!” May narinig ang dalagitang tumawag sa kanya mula sa labas ng kanilang bahay.

“Emily!”

Nagkaroon ng ngiti ang labi ni Emily, pagkat ang mga tinig na tumawag sa kanya ay nagmula sa kanyang mga kaibigang sina Mickey at Esme. Agad na tumayo ang dalagita mula sa kanyang hinihigaan at tumungo sa may bintana ng kanyang kwarto.

Sa labas ng kanilang bahay, nakatayo at nakangiti sina Mickey at Esme.

“Emily! Kumusta ka na?” nasasabik na sabi ni Esme.

“Okay na ako. Kayo, kumusta na?”

Bakas sa mukha ng tatlo ang labis na pagkatuwa sa muli nilang pagkikita-kita.

“Okay lang kami. Nakakainis naman kasi, pabalik-balik kami dito sa inyo, pero palaging bawal ka raw bisitahin, kaya naisip namin na dito ka na lang kausapin.” Sabi ni Mickey.

“Pasensya na ha.” Tugon naman ni Emily.

“Gusto mo ba, umakyat kami dito sa gate niyo at pumuslit papunta diyan sa kwarto mo?” seryosong sabi ni Esme.

“Ano ka ba, Esme!” sabi ni Mickey, natatawa ito sa narinig.

Natawa rin si Emily, pero dahil sa sinabi ni Esme, nagkaroon siya ng ideya.

“Huwag na,” sabi ni Emily. “Pero alam niyo ba kung paano niyo ako matutulungan?”

“Paano?” sabay na tanong ni Esme at Mickey.

At sinabi ni Emily ang kanyang mga plano sa mga kaibigan.

***

Habang sina Emily, Mickey, at Esme ay palihim na nag-uusap, si Jerome naman ay naglalakad ng mag-isa papunta sa La Oscuridad.Ang mga mata nito ay nagliliyab, at may malaking ngiti ang nakapinta sa mukha nito.

Hindi na makapaghintay si Jerome na mangyari ang mga plano niya para sa Santa Monica. Hindi na siya makapaghintay na makita ang mga taong umiiyak, nagkakagulo, nagdurugo, at namamatay.

Hindi na siya makapaghintay na sumapit ang kadiliman niyang inaasam para sa Santa Monica.

Bagamat ay batid ni Jerome na may isang taong taga Santa Monica ang may higit na kaalaman sa lahat, iniisip na lamang niya na ang isang bata at mahinang babae ay walang magagawa upang siya ay mapigilan.

At kahit pa man tangkain siyang pigilan ni Emily, ang oras ay patuloy na umaandar, umaandar na mabilis, walang makakapigil, walang makaka-istorbo. Hindi magtatagal, magiging sobrang huli na ang lahat para sa pakialamerang dalagita.

Habang siya ay masayang naglalakad, patuloy naman ang pagkagat ng dilim sa buong bayan.

Sa buong araw niyang pag-iikot sa Santa Monica, ramdam niya ang takot na bumabalot sa mga tao. Ito ay dahil sa pagbabalik ng mga kaluluwa ng mga taong lumipas na, sa kanilang pagpapakita at pananakot, na tila ba sila ay nagbabalik sa mundo ng mga buhay. Ito ay isa rin sa mga pakana ni Jerome.

Kasama ang pagpapalaganap ng takot sa mga plano ng binata para sa Santa Monica. Ang pagpapahina ng loob ng mga tao, ng pananampalataya, ng paniniwala, ay kasama sa mga plano ni Jerome, at ang makita ang mga taong natatakot, nagkakaroon ng mga pagdududa, ay labis na ikinasaya ng maitim na puso ng misteryosong lalake.

Habang patuloy niyang binabaybay ang tahimik na kalsada ay bigla na lamang itong tumawa ng sobrang lakas, na animo’y isang lalakeng nawala sa tama nitong pag-iisip.

***

May 16, 1980, Biyernes.

Sa kabila ng mga kakaibang pangyayari, mga misteryo at kababalaghang bumabalot sa bayan ng Santa Monica, pansamantala itong nakalimutan ng mga tao ng dumating na ang bisperas ng pista ng Santa Monica.

Maliban sa mismong araw ng kapistahan, ang bisperas rin ay isa sa mga pinaka-inaabangan at pinaka-pinapanabikang araw taon-taon sa maliit na bayan.

Tuwing bisperas kasi ay maraming mga tao ang dumadalo at nanonood ng masaya, mailaw, at maingay na parada na gaganapin mula alas siyete ng gabi pagkatapos ng misa, na mag-iikot sa pinaka-mahahalagang kalsada ng bayan, at didiretso na sa maluwag na basketball court sa harapan ng munisipyo, kung saan magkakaroon ng salo-salo, sayawan, mga palaro, at iba pa, kasama ang alkalde ng Santa Monica.

***

Alas tres kwarenta ng hapon.

Habang ang lahat ay naghahanda at nananabik sa gabing darating, walang tigil si Emily sa pagdarasal para sa kaligtasan ng mga tao sa Santa Monica. Malakas na kasi ang pakiramdam niya na sobrang lapit nang mangyari ng kanyang kinatatakutan.

Hindi niya alam kung ano ang mangyayari, kung kalian at saan ito ekstaktong mangyayari, ngunit ang malinaw lamang sa kanya ay marami ang masasaktang tao, marami ang mamatay, kung hindi niya magagawang pigilan si Jerome.

At kung patuloy pa ring makukulong ang dalagita sa kanilang bahay ay wala na siyang magagawa upang pigilan ang nakaambang panganib.

Pero sa kabila nito, may isang maliit pa ring pag-asa si Emily, pag-asang nakasalalay sa kanya at sa mga kaibigang sina Mickey at Esme.

Nang bumisita sina Mickey at Esme sa kanya noong Huwebes ng hapon, nakaisip si Emily ng plano kasama ang mga kaibigan para makatakas siya sa kanilang bahay, para magawa ang mga dapat niyang gawin para pigilan si Jerome.

Nagdarasal pa rin si Emily ng may marinig siyang mga pag-sipol mula sa labas ng bahay nila. Yun ang hudyat na dumating na sina Mickey at Esme upang isagawa ang kanilang plano.

Tumayo si Emily mula sa pagkakaluhod, at iniwan niya ang kanyang rosaryo sa higaan. Lumapit siya sa kanyang bintana, at nagpalitan lamang ang magkakaibigan ng mga pagtango, na hudyat na magsisimula na nilang gawin ang mga dapat nilang gawin.

Alas kwatro ng hapon eksakto nilang isinagawa ang kanilang plano, pagkat yun din ang oras kung kalian magpapahinga na ang Mama ni Emily, at kung kalian tanging ang kasambahay na lamang nila ang bantay ng tahanan.

Sasamantalahin nila Emily ang pagkakataong iyon upang makatakas ang dalagita sa kanilang bahay

Kumuha si Emily ng jacket mula sa kanyang aparador, kinuha niya rin ang rosaryo sa kanyang higaan, at maingat na itong lumabas sa kanyang kwarto.

Maya maya pa ay narinig na ni Emily na tumunog ang kanilang doorbell, hudyat na nagsimula na ang pagsasagawa ng kanilang plano.

Tumayo si Emily sa pinakataas ng kanilang hagdaanan at sinilip kung nasaan na ang kanilang kasambahay. Nakita ni Emily na naglakad ang kasambahay palabas ng bahay upang harapin ang mga nag-doorbell.

Nang makalabas na ang kasambahay at tumungo sa gate, mabilis nang tumakbo si Emily pababa sa hagdaanan. Naging maingat ito upang maiwasang gumawa ng ano mang ingay.

Sa kusina, mayroong isang pintuan na daanan papunta sa hardin nila Emily. Mula sa hardin, may daanan patungo sa harap ng kanilang bahay, at doon dumaan si Emily.

Nang marating na niya ang harapan ng bahay, bahagya muna itong nagmasid upang alamin kung nasaan ang kanilang kasambahay. Nakita niyang ito ay nakikipag-usap pa rin kila  Mickey at Esme.

“Pasensya na po, hindi pa rin po kasi pwedeng dalawin si Emily.” Sabi ng kasambahay.

“Ganun ba?” tugon naman ni Esme, na nagkunwaring nadismaya. “Sige, babalik nalang ulit kami bukas.

“Sige po. Pasensya na po ulit.”

At nagpaalam na sina Mickey ay Esme. Nang waring nakaalis na ang mga kaibigan ni Emily ay bumalik na rin sa loob ng bahay ang kasambahay. Wala itong ideya sa kung ano ang gagawin ni Emily.

Nang tuluyan nang nakapasok sa loob ng bahay ang kasambahay, ay mabilis nang tumakbo si Emily papunta sa gate. Mabilis niya itong binuksan, na dahilan para gumawa ng sobrang ingay na tunog. Di nagtagal ay nabuksan niya rin ang gate, at mabilis na itong tumakbo patungo sa mga kaibigan na nag-aabang lamang sa kanto.

Huli na ang lahat ng malaman ng kasambahay nila Emily kung ano ang nangyari. Nais sana nitong habulin ang dalagita, ngunit masyado nang malayo si Emily, at wala na siyang nagawa.

***

Nang makalayo, hindi na napigilang mapahalakhak ng malakas nina Emily, Mickey, at Esme, dahil sa kanilang ginawa.

Tumigil ang tatlo sa pag-takbo at nag-desisyong maupo muna sa ilalim ng isang malaking puno.

“Hahahaha!” pagtawa ni Mickey. “Nakita niyo ba yung itsura ni Ate ng makita niya kung ano ang ginawa mo, Emily?”

Dahil sa sinabi ni Emily ay lalo pang lumakas ang kanilang mga tawanan. “Oo nga eh. Nakakaawa nga si Ate, alam ko sumusunod lang naman siya kila Mama. Pero kailangan ko kasi talagang makaalis sa bahay, may mga bagay akong…”

Tumigil si Emily sa pagsasalita ng maisip niya ang mga bagay na hindi niya maaring sabihin.

“May mga bagay kang ano?” pagtataka ni Esme.

“Wala, kalimutan niyo na yung sinabi ko.”

“Emily, napapansin lang namin ni Esme, parang nagiging sobrang masikreto ka sa amin.” Pahayag ni Mickey.

“Oo nga naman, Emily. Ano ba talaga ang nangyayari?”

Sa puntong iyon ay naging seryoso na ang mga boses ng magkakaibigan.

“Ah, eh…” hindi pa rin tiyak ni Emily kung dapat nga ba niyang sabihin ang kanyang mga sikreto sa mga kaibigan.

“Emily, kami ang pinakamatalik mong mga kaibigan, kaya pwede mong sabihin sa amin ang lahat. Sa amin, ang sikreto mo ay mananatiling sikreto.” Paghimok ni Mickey.

“Hindi ko talaga alam kung dapat kong sabihin eh…”

“Emily, may tiwala ka ba sa amin?” tanong ni Esme.

“Oo naman!”

“Kung may tiwala ka sa amin, ikukwento mo sa amin lahat, kung bakit mo hinahanap yung ‘Jerome’ na yun, kung ano ang nangyari sa La Oscuridad noong Martes, at kung ano ang dahilan kung bakit gustong gusto mong makatakas mula sa bahay niyo.”

Hindi agad nakasagot si Emily. Pinag-isipan niya ang mga sinabi ng mga kaibigan.

Simula noong maliit pa lamang si Emily ay sina Mickey at Esme na ang kanyang mga pinakamatatalik na kaibigan. Simula pa noon ay sa kanila na siya nagkukwento ng kanyang mga problema, mga hinaing, mga nagpapapasaya sa kanya, at kanyang mga sikreto.

Kaya sa pagkakataong iyon ay naisip ni Emily na kung mayroon man siyang pagkukwentuhan ng mga nangyari at nangyayari sa kanya at sa Santa Monica, kina Mickey at Esme lamang siya magkukwento.

“Alam niyo, tama kayo.” Sambit ni Emily. Nag-desisyon na itong mag-kwento sa mga kaibigan. “Kung mayroon akong pagsasabihan ng mga sikreto ko, kayo yun.”

Ikinuwento ni Emily ang lahat. Ikinuwento niya ang mga nangyari simula noong Lunes, ang engkwentro niya kay Jerome noong Martes, ang kanyang mga bangungot at pangitain, hanggang sa kanyang mga “espesyal” na talento.

Nang matapos magkwento si Emily, naiwanang nakabukas ang mga bibig at nanlalaki ang mga mata nina Miceky at Esme.

“Uy, okay lang kayo?” tanong ni Emily sa mga kaibigan.

“Grabe,” ang tanging nasabi ni Mickey.

“Sabi ko na nga ba, eh! May mga alam kang hindi namin alam!” sabi naman ni Esme.

Naging sunod sunod din ang mga pagtatanong nina Mickey at Esme tungkol sa mga kwento ni Emily, at nang naging malinaw na sa kanila ang lahat, hindi na napigilan ni Esme na matanong si Emily, “Ano ang plano natin ngayon?”

“Natin?”

“Oo, natin!”

“Sorry, Esme, Mickey,” simpleng pahayag ni Emily. “Ako lang ang kalaban ni Jerome, huwag na kayong sumali, baka mapahamak lang kayo”

“Hindi, Emily.” Maikling sabi ni Esme.

“Sasama kami sayo sa ayaw at gusto mo.” Sabi naman ni Mickey.

“Hindi talaga pwede. Please, huwag na kayo maging mapilit.”

Tumayo si Emily mula sa pagkakaupo sa ilalim ng malaking puno. At sinabing “Hindi kayo sasama.”

“Emily!” Sumunod si Esme at Mickey kay Emily.

“Esme, Mickey, kaligtasan niyo lang ang iniisip ko! So please—”

“Emily, hindi lang naman para sayo kami sumasama! Sabi mo, may gulong parating dito sa Santa Monica,” sabi ni Esme. “At kung totoo ang sinasabi mo, pati pamilya naming, damay dun. Kaya hindi mo kami mapipigilang tulungan kang kalabanin yang ‘Jerome’ na yan!”

“Pero—”

“Wala nang pero pero!” pagputol ni Mickey sa sasabihin ni Emily. “Sasama kami sayo at hindi mo kami mapipigilan. Naalala mo ba ang nangyari sayo noong pinilit mo kaming iwanan ka sa La Oscuridad?”

Tama ang kanyang mga kaibigan, napaisip si Emily.

“Si-sige na nga!” sabi ni Emily. “Pero kailangan niyong maging lubos na maingat dahil lubhang peligroso si Jerome. Hindi ko alam kung anong uri siya ng tao, o kung ano ang mga kaya niyang gawin.”

Kapwa tumango sina Mickey at Esme sa kanilang kaibigan.

“At ikaw rin, Emily, kailangan mong mag-ingat.” Sabi ni Esme.

“Anong una nating gagawin? Hindi ba tayo hihingi ng tulong sa mga pulis, o kaya kay Kuya Michael?” tanong ni Mickey.

“Wala na tayong oras. Hindi maniniwala o makakatulong sa atin ang mga pulis kung wala tayong sapat na impormasyon o ebidensya. Kailangan na nating kumilos dahil malapit nang mangyari ang kaguluhan.” Sabi ni Emily. “Pupunta tayo sa La Oscuridad. Nararamdaman kong doon magtatapos ang lahat.”

***

The 14th chapter of Santa Monica: A Filipino Ghost Story is already published on Wattpad. Click here to read in advance.

11 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

hi pandemic, im an avid reader here. i like your stories. i love your way and style of writing. more update please. thanks. God bless.

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Good
Even if sometimes may paragraph na bumabalik atleast detalyado ang kwento.

Tiradauno ayon kay ...
Naalis ng may-ari ang komentong ito.
rose orido ayon kay ...

I really like the story! !!
Ilang chapter bha lahat to...??

Unknown ayon kay ...

Good Story I like :) read more from Horror Stories or Cerita Horor

Unknown ayon kay ...

ayus ang kwento nato :) thanks

Unknown ayon kay ...

play gambling , and get free chips $100 for new member
hoyapoker
wongpoker
onebetqq
bungaqq
dinastipoker
poker88asia
kingdomino

boss MaPagMahal ayon kay ...

ang ganda ng pag gawa ng kwento hindi sya nakaka boring sabahin sana my page na kayo:)

boss MaPagMahal ayon kay ...

sana gumawa pa kayo nang magagandang kwento

Wajdi Hani ayon kay ...
Naalis ng may-ari ang komentong ito.
Pinoy Trending Stuffs ayon kay ...

Ang ganda nang mga kwento mo idol ang CREEPYlahat nang mga stories mo!!!

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Your Ad Here

Disclaimer

The pictures and videos posted here in PHS aren't our properties unless stated. We get pictures and videos from the internet and post it here. Some stories also came from the internet and we carefully credit the stories to its respectful owners or sources. However, if you have or if you own something here in PHS, you can tell us to remove it and we will do so if we have confirmed that you're the owner. Tell us at pinoyhorrorstories@gmail.com

Some stories/videos/pictures of PHS are properties of PHS. It can be written by PHS authors, or submitted by a PHS reader.

We allow the readers to share the posts and stories posted here in PHS to other websites as long as they properly SOURCE or CREDIT the story to us.

STORIES, VIDEOS, OR PICTURES that are posted here can either be FICTIONAL or a REAL ENCOUNTER.

WE ARE TERRIBLY SORRY FOR SOME MINOR GRAMMATICAL AND TYPOGRAPHICAL ERRORS IN THIS BLOG. WE ARE NOT PROFESSIONAL WRITERS, WE HOPE YOU UNDERSTAND. THANK YOU.

  © Blogger templates Romantico by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP