COPYING, REPOSTING, SHARING, AND EXPORTING POSTS FROM PINOY HORROR STORIES TO OTHER WEBSITES OR FORUMS ARE ALLOWED AS LONG AS YOU PROPERLY CREDIT IT TO US. THANK YOU AND GOD BLESS!

Share

Linggo, Hunyo 9, 2013

Santa Monica: A Filipino Ghost Story Chapter XII: Sa Pagkagat ng Dilim


Alas otso ng gabi, Miyerkules.

Galing sa ospital ng Santa Monica ay naglalakad pauwi si Olivia patungo sa “Red House”. Si Dr. Mark sana ang maghahatid sa kanya pauwi, ngunit nagkaroon ng emergency sa ospital, kaya minabuti ni Olivia na maglakad na lamang. Nakausap na ni Olivia si Aling Rosing tungkol sa sikretong itinago nito sa kanya. Ang sikreto ng “Red House”.

Ayon kay Aling Rosing, ang “Red House” ay ipinatayo ng gobernadorcillo ng Santa Monica noong 1858 -- taliwas sa una niyang narinig na gobernador-heneral ang nagpagawa nito -- noong ang Pilipinas ay nasa ilalim pa ng pamahalaang Español.

Simula raw ng naitayo ito hanggang noong 1993 – kung kailan huling nagkaroon ng karumaldumal na insidente -- ay samu’t sari nang mga pagpatay ang naganap sa bahay. Hindi na masyadong nagbigay detalye ang matanda tungkol sa mga pagpatay dahil na rin sa sinabi ni Olivia na sapat na ang kanyang narinig.

Maliban sa tawag na “Red House” ay tinatawag rin ito ng ilan bilang “Murder House”.

Bagamat ay medyo nagalit si Olivia dahil sa paglilihim sa kanya ni Aling Rosing ay agad din naman itong nawala pagkat naiintindihan niya ang mga dahilan ng caretaker.

Sinubukang payuhan ni Dr. Mark si Olivia na dapat na itong umalis sa bahay na iyon dahil parang mayroon daw talagang sumpa ang “Red House”, ngunit ipinagkibit balikat lamang ito ni Olivia. Tingin niya ay sadyang nagkataon lamang na maraming mga masasamang tao ang dati’y nanirahan sa bahay na iyon.

Tahimik na ang kalyeng dinadaanan ni Olivia, pero bigla na lamang siyang may mabigat na naramdaman, na para bang may mga matang tumitingin sa kanya. Kinilabutan si Olivia.

Para masiguro na walang taong sumusunod o umaaligid sa kanya, sinuri ni Olivia ang paligid. Siya na lamang ang tao sa kalyeng iyon, ni tunog ng mga sasakyan o mga hayop ay wala na.

Sinubukan ni Olivia na kalimutan ang naramdaman pagkat marahil ay guni-guni lamang niya iyon. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad na walang ibang iniisip kundi ang makarating lamang sa “Red House”.

***

Alas diyes ng gabi.

Dumating si Ella sa ospital ng Santa Monica dala ang isang maliit na bag kung saan nakalagay ang isang maliit na kahon. Tumakas lamang ang dalaga mula sa kanyang Yaya pagkat ayaw pa rin siyang payagang lumabas nito.

Hinahanap ni Ella si Dr. Mark ngunit hindi niya pa ito nahanap. Dahil hindi pa niya makita ang doctor ay pumunta muna si Ella sa ICU upang silipin si Steve, na kasalukuyang naka-confine at maiging binabantayan ng mga doktor at wala pa ring malay.

Mula sa labas ng ICU, sa salaming bintana, ay sinilip lamang ni Ella si Steve. Hindi mapigilan ni Ella na maluha dahil sa nangyari sa binata. Kahit na kailan lang sila personal na nagkakilala ni Steve ay tila ba agad nang naging mahalaga ang binata sa kanya.

“Ella?”

Nagulat si Ella nang may humawak sa kanyang balikat.

“Gabi na, ah? Kararating mo lang ba?” tanong ni Dr. Mark.

“Ay, Dr. Mark. Good evening po.” Sabi ni Ella, pinahiran niya ang luha sa kanyang mata.

“Are you okay?”

“Okay lang po ako.” Sagot ni Ella. “Kumusta na po si Steve?”

“Stable na siya. Pero hindi pa rin namin tiyak kung kailan siya magigising.”

Hinubad ni Ella ang bag na kanyang suot at may kinuha siyang isang maliit na kahon mula dito.

“Eto po, Dr. Mark.” Ibinigay ni Ella ang kahon kay Dr. Mark.

“Ano ito, Ella?”

“Savings ko po ang laman niyan.” Sabi ni Ella. “Utang ko po kay Steve ang buhay ko. Sana po gamitin niyo po ang pera para sa mga gastusin ni Steve dito sa ospital. Salamat po.”

“Ella, you don’t have to—”

“Please, Dr. Mark.” Mariing sabi ni Ella. “Aalis na po ako.”

Mabilis na naglakad si Ella palayo sa ICU. Nagtaka si Dr. Mark sa pagmamadali ng dalaga. Binuksan ng doktor ang kahon, at sa loob nito nakita niyang halos nasa limampung libo ang laman nito.

***

Nagpapahinga si Olivia sa master’s bedroom ng “Red House” nang magising ito dahil sa sobrang lamig ng temperatura. Napaupo ito sa kanyang hinihigaan, at doon niya lang napansin na naiwanan niyang nakabukas ang bintana.

Tumayo si Olivia upang isara ang bintana, ngunit bago pa man niya mahilang pasarado ang bintana ay napansin niyang may isang batang lalakeng nakatayo sa may tabing dagat, nakatingin ito ng direkta sa mga mata ni Olivia. Maliwanag ang buwan kaya malinaw na natatanaw ni Olivia na umiiyak ang bata.

Napaisip siya kung bakit sa ganoong oras ay may bata pa rin sa may tabing dagat. Sa nakita ay medyo nag-init ang ulo ni Olivia dahil sa kapabayaan ng mga magulang ng bata.

“Bata!” tawag ni Olivia. “Anong ginagawa mo diyan? Umuwi ka na!”

Pero hindi nagsalita ang bata, nanatili lamang ito sa kanyang kinatatayuan, umiiyak at nakatingin sa mga mata ni Olivia.

Naawa sa bata si Olivia. Nang mangyaring bababa na sana si Olivia upang sunduin ang bata ay nagulat na lamang siya sa nakita. May isang babae ang lumapit sa tabi ng bata at inakbayan ito, at tumingin din ng diretso sa mga mata ni Olivia.

Walang emosyon ang mukha ng babae, di gaya ng batang lalake na umiiyak.

Sa puntong iyon ay hindi agad nakapagsalita si Olivia. Labis labis ang pagtataka sa isip nito at hindi niya maintindihan kung ano ang ginagawa ng babae at ng bata sa may tabing dagat, bakit sila nakatitig sa kanya na tila ba ay may nais sabihin.

Natakot si Olivia.

Dali dali niyang isinara ang bintana. Pero hindi doon nagtapos ang mga wirdong pangyayari noong gabing iyon, pagkat bigla na lamang nagkaroon ng nakasusulasok na amoy sa kwarto, kasunod ang mga pagkalabog sa malaking aparador sa master’s bedroom.

Di nagtagal ay biglang bumukas ang pintuan ng aparador.

Pansamantalang tumigil ang mundo ni Olivia, na tanging pagtibok na lamang ng kanyang puso ang kanyang naririnig.

Isang batang babaeng nakasuot ng puting pajama ang naglakad palabas ng closet. Napakapayat ng batang babae. Ang buhok nito’y napagulo, at ang mga mata ng bata ay halos lubog na, na sa pang-kabuuan ay para bang ang bata ay inabuso at hindi inalagaan ng maayos ng mga magulang nito.

Sa sobrang takot ay hindi na napigilan ni Olivia na sumigaw ng malakas.

Sa puntong iyon ay nagising siya at napaupo mula sa hinihigaan. Ang araw ay hindi pa rin sumisikat at napakadilim pa rin sa kwarto. Pawis na pawis si Olivia at ang kanyang dibdib ay kumakabog pa rin.

Binuksan niya ang kanyang lampshade sa bedside table at kinuha ang tubig na kanyang dinala sa kwarto bago siya natulog.

Ngunit bago pa man mainom ni Olivia ang tubig ay nabitawan niya agad ito, dahilan para mahulog ang baso sa sahig at mabasag.

Sa may paanan ng kama ay may isang matandang babaeng nakatayo, ang mga mata nito ay purong puti, gayun na rin ang kanyang buhok na sobrang haba. Pero ang labis na tumakot kay Olivia ay ang pisngi ng matandang babae na mistulang kinutsilyo, kaya para bang may napakalaking ngiti sa mukha ng matanda.

“Umalis ka na dito!” sumigaw ang matandang babae, na halos napupunit na ang mga pisngi nito.

Mabilis ang mga sumunod na nangyari. Bigla na namang naamoy ni Olivia ang nakasusulasok na amoy na kanyang unang naamoy sa kanyang bangungot. Muli, nag bukas ang pintuan ng aparador, at lumabas ang napakapayat na batang babae. Pero hindi pa doon natapos ang bangungot ni Olivia.

Sa pintuan ng kwarto, unti unting pumasok ang mga nakakatakot na mga aparisyon. Una, ang babae at batang lalaking kanyang nakita sa may tabing dagat. Sumunod ang isang lalaking may nabubulok nang katawan, tumutulo pa ang napakabahong tubig mula sa katawan nito, ang mukha nito’y nabubulok na, inuuod, at nakakatakot. Tuloy tuloy ang pagpasok ng mga taong hindi kilala ni Olivia sa kwarto, ngunit lahat sila ay may kanya kanyang katangian na sobrang nakakatakot. Lahat sila ay para bang mga multong hindi matahimik.

Pinalibutan ng mga aparisyon si Olivia sa kanyang higaan.

Noo’y naisip ni Olivia na maaring ang kanyang mga nakikita ay ang mga napatay sa “Red House”.

Sa sobrang takot ay nanigas na lamang si Olivia sa kanyang higaan, hindi makagalaw, at napaiyak na lamang ng tahimik.

Di naglaon ay nagising na rin si Olivia.

Umaga na, at pag tingin ni Olivia sa orasan ay nakita niyang alas otso na pala. Dahil sa napanaginipan ay agad na tumingin si Olivia sa kanyang paligid, na para bang inaasahan niyang nasa isang bangungot na naman siya.

Wala na ang mga nakakatakot na aparisyon na kanyang nakita. Wala na ang mabahong amoy. Ngunit imbis na kumalma ay lalong natakot si Olivia.

Ang bintana na sigurado siyang kanyang isinara bago siya natulog ay nakabukas. Ang pintuan ng aparador na halos hindi niya naman binubuksan ay bukas na bukas. At ang baso ng tubig na kanyang dinala bago siya natulog ay nasa sahig at basag, ang tubig ay nakakalat pa rin at hindi tuyo, na tila ba ay kakalaglag pa lang ng baso.

Pero ang pinakatumakot kay Olivia ay ang mga mahahabang hibla ng puting buhok sa may paanan ng kanyang kama.

***

Alas diyes ng umaga, Huwebes.

Isang lalakeng kilala sa Maynila bilang Engineer Villamor ang nasa Santa Monica.

Nasa isa siyang maliit na kapihan, at nagiisip-isip tungkol sa mga bagay sa kanyang buhay.

Maraming problema ang inhinyero. Una, ang kanyang kasintahan. Medyo matagal na sila, ngunit hindi nauwi sa masayang katapusan ang kanilang pag-iibigan pagkat kakahiwalay pa lamang nila.

Ang dahilan ng kanilang paghihiwalay ay ang sobrang pagka-busy ng engineer sa kanyang trabaho na wala na siyang oras para sa nobya. Maliban dun ay nagkaroon din siya ng maiksi at bawal na relasyon sa kanyang katrabahong arkitekto.

At dahil sa maling nagawa ay nagkasunod sunod na ang mga problema ni Engr. Villamor.

Dahil sa nangyari ay iniwanan ni Engr. Villamor ang kanyang trabaho sa Maynila upang hanapin ang nobya. Dahil dito, nagkaroon ng konting gulo sa pagitan niya at ng kanyang ama, na siyang may-ari ng engineering firm na pinagtatrabahuhan niya.

Habang nasa kaduluduluhan ng kanyang pag-iisip ay bigla na lamang may isang binatang umupo sa table ni Engr. Villamor.

“Magandang umaga, Engineer Villamor.”

Nagulat ang inhinyero sa binata. “Sino ka? Bakit mo ako kilala?”

Ngumiti lamang ang binata na tila ba walang kahit anong sikreto ang pwedeng maitago mula sa kanya.

“Wag mo nang itanong.” Sabi ng binata. “Ikaw ang may kailangan sa akin, kaya wala kang ibang dapat gawin kundi makinig.”

Dahil sa mga problema ay mainitin rin ang ulo ng engineer. “Aba, eh loko ka pala eh! Ni hindi nga kita—”

“Sssshhhh…” sabi ng binata. “Makinig ka nalang.”

“Wag mo akong—”

“Pwede bang makinig ka muna?” nakangiti pa rin ang binata. Muli nanaman sanang magsasalita ang inhinyero, ngunit napilitan itong makinig nang sinabi ng binata na “Alam ko ang sagot sa lahat ng problema mo.”

Napatingin ang engineer sa mga mata ng binata. Ito’y sobrang lalim at ganda, na para bang biglang nahulog ang inhinyero sa isang makamandag at mapagmanipulang pag iisip ng misteryosong lalake.

“Alam ko ang mga problema mo. Alam mo bang…may isang solusyon lamang ako para sa lahat ng mga bagay na bumabagabag sa iyo ngayon?”

Sinuri ng inhinyero ang mga salita ng binata, saka sinabing “Nakikinig ako…”



***

Alas onse ng umaga, Huwebes.

Upang makalimot sa mga nangyari ay naisip ni Ella na pumunta sa Santa Monica High School upang tumulong sa paghahanda nito sa nalalapit na JS Prom. Naisip niya na maaring mas gumaan ang kanyang pakiramdam kung makakasama niya ang kanyang mga kaibigan.

Marami nang pagbabago ang nagawa ng mga estudyante at guro sa quadrangle ng paaralan kung saan gaganapin ang naturang prom sa Sabado ng gabi, February 13, 2010.

Busy kapwa ang mga guro at estudyante sa paaralan. May mga decoration na ng blue at pink na mga kurtina sa paligid ng quadrangle, mayroon ding mga track na labas-pasok sa paaralan na nagde-deliver ng mga sound system, mga upuan at mesa, at iba pang mga gamit para sa prom.

Tatlong oras na rin si Ella sa paaralan at medyo napagod na ito sa iba’t ibang mga gawain. Naisip ni Ella na gusto niya munang mapag-isa. Bumili siya ng isang maliit na mineral water mula sa canteen at nagtungo sa isang bench sa ilalim ng isang malaking puno, ang lugar sa paaralan na kanyang laging pinupuntahan pag nais niyang mapag-isa at mag-isip.

Kahit na medyo naging busy si Ella sa umagang iyon ay hindi pa rin niya lubos na nakalimutan ang mga kaganapan na biglang nagpabago sa kanyang buhay. Natatakot rin ang dalaga sa kalagayan ni Steve, pagkat maaring hindi na ito magising kailanman.

Bagamat hindi sinabi ni Dr. Mark na comatose si Steve, ay naiintindihan ni Ella ang mga bagay bagay.

“Hi, Ella.” Pagtawag ng isang lalake sa dalaga.

Pagtingin ni Ella ay nakita niyang papalapit na si Riley sa kanya. Nakasuot ang binata ng pulang t-shirt at bagong asul na maong. May dala itong isang maliit na notebook.

“Hello, Riley.” Pagbati ni Ella. Umupo si Riley sa tabi ng dalaga.

“Kanina ka pa ba nandito?” tanong ni Riley.

“Oo, mga tatlong oras na...”

“Ngayon lang ulit kita nakita, ah? Kumusta ka na? Nasa MQ building ka ba kanina?”

“Ayos lang ako, thank you sa pagtatanong.” Sabi ni Ella, sabay ngiti. “Nasa AB building ako, tumutulong sa pagre-record ng mga nabili ng school para sa prom.”

“Ahhhh, kaya pala di tayo nagkasalubong. Nasa MQ ako, sa student council office. Tumutulong akong i-ayos lahat ng mga invitations at programs.”

“Ahhhh…”

Pansamantalang naging tahimik ang dalawa, pero di nagtagal ay muling nagsalita si Riley.

“Ella, I’ve been meaning to ask you this. Dati ko pa ito gustong itanong, pero parang feeling ko, hindi ka masyadong nasa mood noon. Kaya ito na…”

Tumayo si Riley, at iniabot ang kanyang kamay kay Ella, na tila ba’y niyaya itong sumayaw. “Will you be my prom date?”

Wala sa isip ni Ella ang prom. Ni hindi nga sigurado ang dalaga kung nais niya bang dumalo, lalo na pagkatapos ng mga nangyari sa kanya. Pero sa kabila nito, para hindi mapahiya ang binata, ay sinabi ni Ella na “Sure, Riley. Payag akong maka-date mo.” Sabay ngiti.

“Talaga, Ella?”

“Oo.”

Halos naglulundag sa tuwa si Riley sa narinig. Natawa si Ella sa akto ng binata.

“Ella, teka lang ha. Ikakalat ko lang ang good news!” at tumakbo si Riley patungo sa Manuel Quezon building. Napangiti si Ella sa reaksyon ng binata.

Pero biglang napansin ni Ella ang dalang notebook ng binata na naiwan nito sa may bangko. May isang maliit na puting papel na nakaipit ang nahulog mula sa notebook.

Kinuha ni Ella ang notebook at pinulot ang nahulog na papel. Nang ibabalik na ni Ella ang puting papel sa loob ng notebook ay bigla na lamang may napansin ang dalaga. Agad niyang binuklat ang maliit na papel, at siyang gulat na lamang niya sa nakita.

Sa papel, nakaguhit ang isang lalake. Nakatayo ito, ang isang kamay nito ay nasa bulsa, at ang kabilang kamay naman ay may hawak na isang maliit na itim na notebook. Ang lalo pang mas nagpagulat kay Ella ay ang mga mata ng lalake. Ang mga mata lamang ng lalake ang tanging bahagi ng guhit na may kulay. Ito ay pula.

Hindi maikaila ni Ella na ang lalakeng nasa larawan ay parang ang lalake rin na humabol sa kanila ni Steve.

“Si…s-si Riley?” bulong ni Ella sa sarili, ang takot sa kanyang mga mata ay malinaw. “Maaari kayang siya ang—?”

Binitiwan ni Ella ang notebook at ang larawan, nahulog ito sa lupa, at mabilis niyang nilisan ang lugar.

***

Alas siete ng gabi, Huwebes.

Halos apat na oras nang nasa ospital si Ella, sa kwarto ni Steve, nag aabang at nagbabantay sa di tiyak na pag gising ng binata.

Ang lola ni Steve, ayon sa isang nurse, ay nag-tatrabaho raw sa mga oras na wala ito sa ospital upang pondohan ang mga gastusin ni Steve sa ospital, kaya walang kasama ang binata ng nadatnan niya ito.

Para kay Ella, ang ibinigay niyang pera ay kulang pa bilang kabayaran sa pagliligtas ng binata sa kanyang buhay, kaya taimtim na pinagdarasal ni Ella si Steve.

Dahil sa ginawa ni Steve para kay Ella ay labis na lamang ang tuwa sa puso ng dalaga ng malaman nitong inilipat na sa pribadong kwarto si Steve mula sa ICU. Gayunpaman ay comatose pa rin ang binata, paglilinaw ni Dr. Mark nang naitanong ni Ella, ngunit nasa mas maayos na itong lagay.

Di nagtagal ay narinig ni Ella na nagbukas ang pinto ng kwarto. Pag tingin niya ay pumasok ang isang matandang babae, may dala itong isang plastic ng mga prutas. Iyon ang unang pagkakataon na direktang nagkita si Ella at si Lola Perla.

Tumayo si Ella sa kanyang kinauupuan upang batiin si Lola Perla.

“Magandang gabi po.” Pagbati ni Ella. “Ako nga po pala si Ella. Kayo po si Lola Perla, diba po?”

“Ella?” nagtatakang sambit ni Lola Perla. “Ang kasama ni Steve sa La Oscuridad?”

“Opo.”

Hindi agad sumagot si Lola Perla.

“Oo, iha. Ako nga ang lola ni Steve.” Bakas sa mukha ng matanda ang lungkot at pagod na nadarama nito, ni hindi nito masyadong mapilit ang ngumiti. Sa mga mata ng matanda, nakikita ni Ella na marami itong gustong itanong.

“Maupo ka muna, Ella.” At muling umupo si Ella habang inaayos ni Lola Perla ang mga pagkaing kanyang dala sa isang maliit na mesa.

“Narinig ko kanina mula kay Dr. Mark na ikaw raw ay nagbigay ng pera para sa pang ospital ni Steve.” Sabi ni Lola Perla. “Maraming maraming salamat, Ella. Napakalaking tulong ang ibinigay mo sa apo ko.”

“Wala pong anuman.” Sagot ni Ella. “Malaki po ang utang ko kay Steve. Kung hindi po dahil sa kanya ay maaring wala na ako dito ngayon.”

Sa narinig ay biglang natigilan sa kanyang ginagawa si Lola Perla. Napaharap ang matanda sa dalaga.

“Ella, alam kong presko pa ang mga nangyari sa iyo. Pero, sana maintindihan mo, kailangan kong malaman kung ano ang nangyari…kung ano ang nangyari kay Steve.”

Hindi agad nagsalita si Ella, pagkat para sa kanya ay napaka-brutal na muling balikan ang mga nangyari noong gabing iyon. Pero pinilit nitong lakasan ang kanyang loob.

“Sige po, magsasalita na po ako.” Sambit niya.

Pansamantalang iniwanan ni Lola Perla ang kanyang ginagawa at umupo sa tabi ni Ella.

Ikinuwento ni Ella lahat, simula sa mga bangungot niya hanggang sa pagkikita nila ni Steve sa La Oscuridad, at hanggang sa tangkang pagpatay ng isang di makilalang lalake sa kanilang dalawa ng binata.

Nang matapos siyang magkwento ay kitang kita ni Ella ang reaksyon sa mukha ni Lola Perla. Labis ang takot, pangamba, at gulat sa mga mata nito.

“Ayos lang po ba kayo, Lola?”

“A-a-ayos lang ako.” Sagot ni Lola Perla.

Hindi makapaniwala ang matanda sa mga narinig. Labis ang kanyang pagkagulat. Talaga ngang nauulit muli ang napakadilim na mga panahon sa Santa Monica matapos ang tatlong dekada.

“May sinabi rin po sa akin si Steve…” sabi ni Ella. “Sabi niya, maaring lahat ng ito ay konektado sa mga nangyari noong 1980 sa Santa Monica.”

Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Lola Perla. Kahit na may hinala siyang maaring may alam si Steve tungkol sa mangyayari ay hindi niya ito lubos na inisip at inakala.

Sa puntong iyon ay naisip ni Ella na maaring may alam si Lola Perla tungkol sa mga nangyari noon sa bayan.

“Lola…isa po sa mga dahilan kung bakit nagtungo si Steve sa La Oscuridad ay para makahanap ng isang sagot tungkol sa sinasabi niyang masamang mangyayari.” Sabi ni Ella. “Pero ang sagot na iyon ay bahagi lamang ng mas malaking kasagutan.” Pansamantalang huminto si Ella, bago sinabing “At ang mas malaking kasagutan, ay ang mga nangyari noon sa Santa Monica. Ang katotohanan.”

Tumingin lamang si Lola Perla sa mga mata ni Ella.

“At naniniwala po ako na marami kayong nalalaman. Siguro po ay panahon na para magkwento kayo…” sabi ni Ella, sabay hawak sa kamay ni Lola Perla.

Napuno ng takot ang puso ni Lola Perla. Simula kasi nang mangyari ang mga nangyari noong 1980 sa Santa Monica ay napagdesisyunan ng lahat ng mga taong bayan na itago ang kanilang mga naranasan, na turingin iyon bilang isang ilusyon o bangungot lamang na kailanma’y hindi talaga naganap.

‘Yun din ang dahilan kung bakit halos walang nakalap na impormasyon si Steve noong naghahanap ito ng mga lumang diyaryo o libro sa library ng Santa Monica High School.

Alam ni Lola Perla na hindi nila maitatago habang buhay ang napakaitim na sikretong itinago nila sa mga sumunod na henerasyon ng mga taga Santa Monica. At ngayong muli ay nangyayari na nga ang mga nangyari noon, naisip ni Lola Perla na buksan na ang kanyang puso’t isipan upang ikwento ang kanyang mga nalalaman, lalo pa’t isang dahilan ang kanilang pagsi-sikreto sa kung bakit si Steve ay comatose ngayon.

“Magiging mahaba ang kwento ko, Ella. Magagawa mo bang makinig?”

“Opo.” Sagot ni Ella.

“Ang iyong maririnig ay base sa nabuong kwento mula sa iba’t ibang mga saksi sa mga kaganapan noon sa bayang ito. Ito rin ang opisyal na kwentong inilabas ng pulisya, at pinaka-pinaniniwalaang bersyon ng mga nangyari, bago napagdesisyunan ng mga taga Santa Monica na itago at kalimutan ang mga ito.”

“Ganito nagsimula yun. May 12, 1980…”

The 13th chapter of Santa Monica: A Filipino Ghost Story is already published on Wattpad. Click here to read in advance.

1 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

http://weeklyfixpay.com/?ref=136462

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Your Ad Here

Disclaimer

The pictures and videos posted here in PHS aren't our properties unless stated. We get pictures and videos from the internet and post it here. Some stories also came from the internet and we carefully credit the stories to its respectful owners or sources. However, if you have or if you own something here in PHS, you can tell us to remove it and we will do so if we have confirmed that you're the owner. Tell us at pinoyhorrorstories@gmail.com

Some stories/videos/pictures of PHS are properties of PHS. It can be written by PHS authors, or submitted by a PHS reader.

We allow the readers to share the posts and stories posted here in PHS to other websites as long as they properly SOURCE or CREDIT the story to us.

STORIES, VIDEOS, OR PICTURES that are posted here can either be FICTIONAL or a REAL ENCOUNTER.

WE ARE TERRIBLY SORRY FOR SOME MINOR GRAMMATICAL AND TYPOGRAPHICAL ERRORS IN THIS BLOG. WE ARE NOT PROFESSIONAL WRITERS, WE HOPE YOU UNDERSTAND. THANK YOU.

  © Blogger templates Romantico by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP