Tumatakbo, umiiyak, hindi mapakali. Yun ang nararamdaman ni Ella. Tila ba ay siya ay nasa isang bangungot, kahit gaano niya gustuhing bilisan ang kanyang pagtakbo ay para lamang siyang lumulutang, walang bigat ang kanyang mga paa, at ang humahabol sa kanya ay papalapit ng papalapit.
Hindi niya kilala kung sino ang lalaki, ngunit sigurado siya na walang magandang mangyayari sa kanya pag naabutan siya ng lalaking nakamaskara.
Malakas at nakakabingi ang tibok ng puso ni Ella, humahagulhol siya habang tumatakbo. Siya ay nasa isang liblib na kalsada, sa tabi nito ay pawang mga taniman lamang ng palay. Ang mga bahay na maaring hingan ng saklolo ay napakalayo pa mula sa kinaroroonan niya. Hindi rin naman siya makakapagtago sa taniman pagkat mababa ang mga damo ng palay, maari lamang na lalo siyang bumagal pag tinahak niya ang daan.
Maya maya pa ay may narinig siyang pag andar ng motor. Tanging ang liwanag lamang ng buwan ang nagbibigay ilaw sa napakadilim na kalsada. Ang pag tunog ng motor ay lalo lamang nagpakaba sa disisais anyos na dalaga.
Pinilit niyang tumakbo ng mas mabilis, ngunit dahil sa pagmamadali, ay nadapa siya.
Nagkaroon siya ng malaking sugat sa mga tuhod at sa kanyang mga siko. Ang tunog ng motor ay lalong lumapit, sinubukan niyang huminga ng malalim, tila ba ay ramdam niya na ang kanyang nalalapit na katapusan.
Pinilat niya pa ring tumayo, ngunit sadyang pagod na pagod na siya at duguan. Lalong lumapit ang tunog ng motor, at kasama nito, ang malalakas na yabag ng sapatos ng lalaking humahabol sa kanya.
Unti unti, habang nakadapa ay humarap siya sa lalaking kanina pa ay humahabol sa kanya. Nakakabingi na ang tunog ng motor, at pagharap niya ay nakita niya ang lalaki, nakasuot ito ng damit na tila ba ay isang pari, ngunit imbis na krus ang kwintas na suot ay isang bungo ito ng kambing na may dalawang sungay.
Ang lalaki ay nakasuot ng isang itim na maskara, tanging mga mata lamang niya ang nakiktia. At ang motor na kanina pa ay tumutunog ay ang chainsaw dala dala nito.
Sa nakita ay mistulang tumigil ang mundo. Lalong natakot si Ella ng simulant nang iangat ng lalaki ang chainsaw at unti unting pinagpuputol ang katawan ni Ella.
“AAAAAAAAAAAAAAAAHHHHHHHHHHHHHHHHH!” sigaw ni Ella, bigla siyang napatayo sa kanyang hinihigaan.
Ang mga balahibo sa buo niyang katawan ay tumindig, puno siya ng pawis, ang mga mata niya ay luhaan. Ang unan at bedsheet na kanyang hinihigaan ay basa rin ng kanyang pawis.
Bangungot. Bangungot na naman, sabi niya sa isip niya.
Pero sa pagkakataong ito ay hindi lamang basta bangungot ang nangyari. Pagtayo ni Ella sa kanyang hinigaan ay basa rin ito ng dugo. Ang kanyang siko ay may gasgas, gayun na rin ang kanyang tuhod.
“P-panong..?” At isang mas malakas na tili ang pinakawalan ng dalagita.
***
CHAPTER I: BAKASYON is already published in Wattpad. CLICK HERE to read in advance.
Martes, Hulyo 3, 2012
Santa Monica: A Filipino Ghost Story Prologue
Mga etiketa:
Filipino,
Pandemic,
Santa Monica: A Filipino Ghost Story Series,
Stories
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento