COPYING, REPOSTING, SHARING, AND EXPORTING POSTS FROM PINOY HORROR STORIES TO OTHER WEBSITES OR FORUMS ARE ALLOWED AS LONG AS YOU PROPERLY CREDIT IT TO US. THANK YOU AND GOD BLESS!

Share

Lunes, Enero 6, 2014

Santa Monica: A Filipino Ghost Story Chapter XIII: Santa Monica 1980 Part 1

Bayan ng Santa Monica, Lunes, May 12, 1980.

Maaliwalas, masaya, walang pangamba; yun ang bayan ng Santa Monica bago nangyari ang pinaka hindi inasahan ng lahat, kung saan tatlong buhay ang nasayang, at isang binata ang napigilang maghasik ng kaguluhan at kadiliman sa bayan.

***

Alas singko ng hapon, Lunes, May 12, 1980.

Katatapos lamang ng misa sa simbahan ng Santa Monica.

Ang lahat ay masaya, maligalig, at para bang nagdiriwang, pagkat iyon ang huling Lunes bago ang nalalapit na pista ng Santa Monica sa darating na Sabado.

Ngunit ang masayang pakiramdam ng bawat tao ay bigla na lamang nasira nang mayroon silang narinig na pagsigaw at pag-iyak mula sa isang maliit na batang babae.

Nagsisilabasan na ang mga tao noong oras na iyon mula sa simbahan, at dahil sa narinig lahat sila ay nagmadaling lumabas upang makita ang pinaguugatan ng komusyon.

Sa labas ng simbahan, nakita nila ang isang batang babae, umiiyak ito at sumisigaw; ang bata ay nakaturo sa kampanaryo ng simbahan.

Nang makita ng mga tao ang itinuturo ng bata, lahat ay natigilan, natakot, at nagimbal.

Hindi nila alam na iyon na ang hudyat ng pagsisimula ng pinaka-madilim na panahon sa Santa Monica.

***

Kakatapos lamang ng misa, binabaybay ng magkakaibigang sina Emily, Mickey, at Esmeralda ang pasilyo palabas ng simbahan.

Ang tatlo ay kabilang sa mga pinaka-huling nagtapos ng high school sa Santa Monica High School, at gaya ng iba, sila ay nanabik rin sa mas malaking mundong kanilang papasukin sa kanilang pagkokolehiyo.

“Hay, nanabik na talaga ako.” Sabi ni Esmeralda, na mas tinatawag ng mga taong nakakakilala sa kanya bilang Esme.

“Ano bang plano mo, Esme?” tanong naman ni Mickey.

“Plano ko maging doktor, pero gusto ko rin maging manunulat.”

“Aba, eh pwede mo namang pagsabayin yun di—”

Biglang naantala ang pagsasalita ni Mickey ng bigla na lamang narinig ng lahat ang napakalakas na pagsigaw ng isang bata mula sa labas ng simbahan.

Dahil sa narinig, lahat ng nasa loob pa ng simbahan ay nagmadaling lumabas upang makita kung ano ang nangyari, at sa labas ng simbahan, nakita nila ang isang batang babaeng umiiyak at sumisigaw na nakaturo sa batong kampanaryo, o tore ng kampana ng simbahan.

Lahat ay natahimik nang una nilang masilayan kung ano ang itinuturo ng mga bata. Lahat ay natakot, nagtaka, at nagimbal.

Sa kampanaryo ng simbahan, nakasabit at dumuduyan pa sa hangin ang isang katawan ng kambing na pinutulan ng ulo, ang dugo nito ay tumutulo pa mula sa tore na tila ba ito ay presko pa, na ang nagsabit nito ay kaaalis lamang bago natapos ang misa.

Di nagtagal ay kumalat ang maraming bulung-bulungan sa paligid ng simbahan, lahat ay may kanya kanyang kwento, haka-haka, at mga komento.

“Sino namang nasa matinong pag-iisip ang gagawa niyan?” sambit ni Mickey, nakakunot ang noo nito sa inis sa nakita.

Si Esme naman ay tinakpan ang kanyang bibig upang pigilan ang sariling maiyak.

“Esme, okay ka lang?” tanong ni Mickey sa kaibigan.

“O-okay lang ako…”

Sa kabilang banda, nang unang beses pa lamang na nakita ni Emily ang masamang tanawin ay nagkaroon na ito agad ng napakasama at napaka nakakatakot na pangitain.

Takot, kaguluhan, dugo, kamatayan…

Hindi malinaw, hindi klaro, walang konkretong mga imahe ang naging pangitain ni Emily, pero isang pigura ang kanyang nakita, isang pigurang nababalot ng kadiliman, at ang tanging mensahe ng pigura ay ang paparating na kaguluhan sa Santa Monica.

Nang matapos ang pangitain ay hiningal si Emily sa kaba, ang puso niya ay tumitibok ng napakalakas.

“E-Emily?” pagtawag ni Mickey sa atensyon ng kaibigan ng mapansin niyang humihinga ito ng mabilis. “Anong nangyayari sa’yo?”

“A-a-ah…wala. Okay lang ako, wag niyo ko pansinin.”

Dahil sa naging reaksyon ni Emily, hindi na napigilang umiyak ni Esme sa takot, at tumakbo ito palayo upang itago ang kanyang pag-iyak.

“O, anong nangyari dun?” sabi ni Mickey. “Tara, sundan natin.”

“S-sige.” Tugon ni Emily.

Naunang tumakbo si Mickey, at nang susunod na sana si Emily ay bigla na lamang itong natigilan. May naramdan ang dalagitang napakaitim at napakabigat na aura sa paligid. Tumitingin tingin si Emily, at nakita niya ang isang napakamisteryoso at kakaibang binata.

Sa ilalim ng isang puno ng mangga sa harapan ng simbahan, nakatayo ang isang binatang lalake, nakasuot ito ng puting damit, at lumang maong. Gaya ng iba, nakatingin din ang binata sa katawan ng kambing. Pero imbis na takot at pagkagulat, ang reaksyon na nakapinta sa mukha nito ay pagkatuwa at pagkasabik. May napakalaki at napakawirdong ring ngiti ang mga labi ng misteryosong lalake.

Hindi makilala ni Emily ang binata. Sigurado ang dalagita na kailanman ay hindi pa niya nakita ang misteryosong binata. Dahil sa kakaiba at wirdong aura ng binata ay, sa kabila ng pangako niya sa sariling di na niya muling gagamitin ang kakayahan niyang iyon, muli, ginamit niya pa rin ito: ang magbasa ng isipan.

Di gaya ng iba, maraming kayang gawin si Emily na pinapangarap lamang ng marami.

Kaya ng 15-anyos na dalagita na magbasa ng isip ng ibang tao kung kalian niya gustuhin, kaya niya ring mahulaan ang mga bagay na nangyari na o mangyayari pa lamang sa pamamagitan ng mga pangitain na dumarating sa kanya.

Pero ang isang kakayahan ni Emily na pinaka-ikinakatakot niya ay ang kakayahan niyang makakita ng mga kaluluwang hindi matahimik. Kahit alam niyang nagagawa niya ito simula nung siya ay maliit pa, hanggang ngayon ay natatakot pa rin siya rito.

Dahil sa napakakakaibang dating ng misteryosong binata ay wala nang napagpilian si Emily kundi basahin ang isip nito, pero nang sinusubukan niya nang pasukin ang diwa ng binata ay bigla na lamang nangyari ang hindi niya inaasahan: siya ay biglang nahilo at bigla ring sumakit ang kanyang ulo, napakapit siya sa pader ng simbahan upang pigilan ang sariling matumba.

Nang tiningnan niyang muli ang lalake ay nakatingin na rin ito sa kanya, ang malaking ngiti sa labi nito ay hindi pa rin nawawala.

“Jerome”, isang misteryosong tinig ang narinig ni Emily.

“Jerome?” napabulong si Emily.

“Emily, halika na! Umalis na tayo dito!” pagtawag ng mga kaibigan kay Emily.

“A-ah, sige, pupunta na ako diyan.”

Muling tumingin si Emily sa kaninang kinatatayuan ng binata, ngunit wala na ito doon, at kasabay ng pagkawala ng misteryosong binata ay ang pagkawala rin ng sakit ng ulo at pagkahilo ni Emily.

Habang naglalakad papunta sa mga kaibigan, napatingin si Emily sa langit, at nakita niya ang buwan sa pinakakakaiba nitong itsura: ito ay kulay pula, na tila ba ay nagbibigay ng babala sa kadilimang paparating sa bayan ng Santa Monica. Hindi nagustuhan ng dalagita ang nasilayan.

***

Martes, alas dose y medya ng tanghali.

Nasa sala si Emily ng kanilang tahanan, mag-isa lamang siya at nag-iisip.

Hindi pa rin mawala sa kanyang isipan ang mga nangyari sa simbahan noong Lunes ng hapon. Malaking palaisipan para sa dalagita ang mga naganap, napakalabo at hindi pa rin niya lubos na mawari kung ano at paano nangyari ang mga nangyari.

“Sino ang binatang nakita ko kahapon? Bakit parang alam niya na sinubukan kong basahin ang kanyang isipan?” napabulong si Emily sa sarili. “At…saan nanggaling ang narinig kong pangalang ‘Jerome’? Iyon ba ang ngalan ng binata?”

“Kung siya nga si ‘Jerome’, paano niya nagawang iparating sa akin ang kanyang mensahe? Kaya niya rin bang magbasa ng isip, makakita ng multo? May mga kapangyarihan ba siya? Maari kayang may kinalaman si ‘Jerome’ sa gulong mangyayari sa Santa Monica?”

“Isa lamang ang paraan: kailangan ko siyang muling makita.”

Tumayo si Emily sa kanyang kinauupuan at agad lumabas ng bahay upang maghanap ng mga kasagutan sa mga tanong si kanyang isipan.”

***

Ala una ng hapon.

“Maliban sa kakaiba niyang dating, ano pa ba ang nakita mo sa kanya at nagkakaganyan ka?” nakangiting pagtatanong ni Michael, isang pulis sa Santa Monica. “Gwapo ba?”

“Kuya naman!” aniya ni Emily.

Si Michael ay isang 25-anyos na pulis. Malapit siya kay Emily pagkat siya ang naging tagapag-alaga ni Emily noong ito ay maliit pa. Dahil sa haba ng kanilang pinagsamahan, parang magkapatid na ang dalawa.

Sa hapong iyon ay naisipan ni Emily na dalawin ang kaibigang pulis sa mismong police station ng bayan.

“Kanina ka pa kasi kwento ng kwento tungkol sa kanya eh.”

“Kuya, kung alam mo lang. Malakas talaga ang hinala ko na siya ang naglagay ng kambing doon sa kampanaryo.”

“Naku, Emily, mahirap mag-bintang.”

“Mahirap at masama ang mag-bintang, pero minsan, tama lang ang mag-hinala para maging handa ka sa kung ano man ang naka-akmang mangyari, mabuti man ito o masama.”

Natahimik si Michael sa sinabi ni Emily, pagkat sa mura nitong edad ay parang matanda na ito magsalita.

“A-ahhhh...Ano nga ang pangalan ng binatang ito?”

“Hindi ko alam, eh.” Pagsisinungaling ni Emily, pagkat malakas ang kanyang kutob na ang “Jerome” na kanyang narinig ay ang pangalan ng misteryosong binata.

“Ano ang plano mong gawin?”

“Wala.” Muling pagsisinungaling nito, pagkat ang tunay na dahilan kung bakit siya pumunta sa police station ay upang hintayin ang mga kaibigang sina Mickey at Esme, na plano niyang yayain maglakad-lakad, habang siya ay palihim na naghahanap sa kahit anong maaring magturo sa kanya kay Jerome.

Maya maya pa ay natanaw na ni Emily ang mga kaibigan na parating sa police station.

“Oh, Kuya, andyan na ang mga kaibigan ko. Aalis na ako.” Pagpapaalam ni Emily sa kaibigan.

“Oy, saan kayo pupunta? Nagpaalam ka na kay Mang Gary?” pagtatanong ni Michael kay Emily. Si Mang Gary ang ama ng dalagita.

Ngumiti lamang si Emily sa kanyang Kuya bilang pagsagot, at patuloy na naglakad palayo.

“Hoy! Di mo pa sinasagot ang tanong ko!” sabi ni Michael, ngunit nakalayo na si Emily at hindi na siya nito narinig.

***

Sa parke ng Santa Monica nagpunta ang magkakaibigang sina Emily, Mickey, at Esme.

Maaliwalas, presko, at mahangin ang lugar noong hapong iyon; konti lamang ang mga tao, ang parke ay tahimik at payapa.

Sa isang maliit na tindahan ng kakanin malapit sa parke napili ng magkakaibigan na magpalipas ng oras.

“Ano kaya magandang gawin ngayon?” tanong ni Mickey.

“Oo nga. Kumain kaya tayo? Tutal andito na naman tayo sa tindahan, eh.”

“Sige.”

Tumayo ang dalawa upang bumili ng pagkain, pero napansin nilang si Emily ay sa nakatingin lamang sa malayo na para bang may hinahanap, na wala ang atensyon nito sa kanila.

“Emily?” pagtawag ni Mickey, ngunit hindi siya narinig ng kaibigan.

“Emily?” muli namang pagtawag ni Esme. “Emily, okay ka lang ba?”

Sa pagkakataong iyon ay nagulat si Emily sa mga kaibigan. “O, ano meron?”

“Anong meron sa’yo?” sabi ni Mickey. “Kanina ka pa sa malayo nakatingin, ah? Okay ka lang ba?”

“Ayos lang ako.”

“Papabili ka ba ng pagkain? Bibili kasi kami, eh.”

“Ah, sige lang, okay lang ako.”

“S-sige, ikaw bahala.” Kapwa nagtaka si Mickey at Esme sa kakaibang kinikilos ni Emily, pero ang kanilang kaibigan ay nagpatuloy sa pagtingin sa malayo na para bang may hinahanap o inaabangan.

Kahit na napakaliit ng tsansang magpapakita si Jerome, ay hindi ito alintana ni Emily. Ang nais lamang niya ay makitang muli ang binata, at muling subukang basahin ang isipan nito. At kung muli man niyang makikita si Jerome, maari ring magkaroon siya ng panibagong pangitain na magbibigay sa kanya ng mga impormasyon ukol sa gulong darating sa Santa Monica.

Pero kung hindi magpapakita sa parke ang binata, balak ni Emily na mag-ikot ikot pa sa bayan…at kung wala pa rin si Jerome, may kutob si Emily na sa La Oscuridad, ay mayroong mangyayari.

***

Alas singko ng hapon.

Lumipas ang mga oras, at maraming lugar na sa buong Santa Monica ang naikot nina Emily, Mickey, at Esme.

Nagtaka na sina Mickey at Esme kung ano ba talaga ang nais gawin o ang hinahanap ni Emily, nagtataka rin ang dalawa kung bakit parang kanina pang wala sa sarili si Emily; wala na itong ginawa kundi tumingin sa kanyang paligid na para bang may hinahanap ito, ni hindi man lamang ito masyadong nagsasalita.

Maya maya pa ay naabot na nila ang daanan papunta sa La Oscuridad, at palabas mula sa parte ng Santa Monica na may mga kabahayan.

Ang daanan papunta sa Santa Monica ay isang mahaba at hindi sementadong kalsada. Sa unang bahagi ng daan, ang magkabilang parte ng kalsada ay binubuo lamang ng malawak na mga palayan, ngunit ang nasa may dulo na ng daan ay halos sakop na ng kakahuyan ng La Oscuridad.

Kaunting mga tao lamang ang nagpupunta bahaging iyon ng bayan, pagkat noon pa lamang ay punong puno na ng mga kwentong kababalaghan ang La Oscuridad.

Paniwala ng iba, simula pa noong naitatag ang bayan ng Santa Monica ay may mga kababalaghan na ang kakahuyang iyon, kaya ito nagkaroon ng pangalang “La Oscuridad”, na mga salitang Espanyol na may kahulugang “Ang Kadiliman”.

Lumipas pa ang ilang mga minute ay naabot na nila Emily, Mickey, at Esme ang kalsada sa kakahuyan ng La Oscuridad, na medyo malayo-layo na sa bayan.

Hindi na napigilan nina Mickey at Esme na tanungin si Emily kung ano ba talaga ang nais nitong gawin.

“Emily?”

“Ha?”

“Medyo malayo layo na tayo, ah. May hinahanap ka ba?”

“Ahhh, wala naman.”

“Tara, bumalik na tayo at dumidilim na.”

“Oo nga naman, Emily. Tara na.” dagdag ni Esme.

“Hindi pwede.” tugon ni Emily

“Bakit?” sabay na pagtatanong ni Mickey at Esme.

“Emily, may itinatago ka ba sa amin?” sabi ni Esme.

“Ahhh—”

“Emily.” Isang bulong ang narinig ni Emily.

“Narinig niyo ba yun?” pagtataka ni Emily.

“Ang alin?” tanong ni Mickey.

“Ahhh, wala.” Sabi ni Emily, biglang nagbago ang tinig nito pagkat naramdaman niyang nasa paligid na si Esme.

Humarap si Emily sa mga kaibigan. “Alam niyo, kanina niyo pa ako sinasamahan eh. Mas maganda siguro kung bumalik na kayo sa bayan, at ako’y susunod nalang. Batid kong napapagod na kayong dalawa.” Nakangiting sabi nito sa mga kaibigan.

“Sira ka ba? Sumama ka na sa amin, Emily.” Sabi ni Mickey.

“Hindi pwede. Makinig nalang kayo sa akin at mauna na kayo, may mga gagawin pa ako.”

“Anong gagawin? Kakagat na ang dilim, o! Emily, tara na, please?” pag-giit ni Esme.

“Mauna na kayo.” Mariing sabi ni Emily.

Napansin ni Mickey at Esme ang pagbabago ng tinig ni Emily, kaya napipilitan may ay walang nagawa ang dalawa kundi sumunod kay Emily.

Nang makaalis ang mga kaibigan, bigla na lamang nagbago ang temperatura sa lugar. Naramdaman ni Emily na bigla na lamang lumamig at lumakas ang pag-ihip ng hangin.

“Hehehe.”

May narinig si Emily na pagtawa.

Hindi malayo ang pinanggalingan ng tinig.

Nasa likuran na niya ito.

Bumilis ang tibok ng puso ni Emily, pero pilit niya itong itinago pagkat ayaw niyang magpakita ng kahinaan.

“Sino ka?” tanong ni Emily. Sinubukan niyang humarap, ngunit hinahawakan ng lalake ang kanyang balikat upang siya ay pigilan.

“Hindi ba’t nagpakilala na ako sa’yo?” sabi ng lalake. “Ako si Jerome.”

“I-ikaw ba ang may pakana ng komusyon sa simbahan? Ano ang pakay mo? Sino ka ba talaga?”

“Pssssh…wag kang masyadong matanong.” Sabi ni Jerome. “Alam mo, kailanman, ang paglalaro ng apoy ay hindi naging mainam sa mga gamu-gamu.”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Ibig kong sabihin, noong may pagkakataon ka pa sana ay lumayo ka na sa apoy. Kasi ngayon, gaya ng isang mapaglarong gamu-gamu, ikaw ay mamamatay, masusunog, mawawala sa mundong ito…”

Napalunok si Emily, at sinabing “Hindi ako natatakot sa’yo.”

“Kung ganun, dapat matakot ka na.” Maikling sabi ni Jerome.

At yun ang huling alaala ni Emily sa mga nangyari bago nandilim ang kanyang paningin at nawalan siya ng malay.

***

Alas onse ng gabi, Martes.

Sandaling nagising si Emily, at nakita niya ang kanyang mga magulang na nag-uusap sa tabi ng kanyang higaan.

Napansin ni Mang Gary, ang ama ni Emily, na nagising na ang kanyang anak.

“Emily? Anak?” sabi ni Mang Gary. “Anong nangyari sa’yo?” Pag-aalala nito.

Hindi nakasagot si Emily. Hindi pa niya lubos na maintindihan at maalala ang mga nangyari, nahihilo pa ito at medyo masakit ang ulo.

“Emily?”

“Gary, hayaan muna natin si Emily. Sigurado akong pagod pa yan.” Sabi ni Aling Cora, ina ni Emily, sa asawa nitong si Mang Gary. “Emily, magpahinga ka muna. Nag-iwan ako dito ng pagkain, kumain ka na lang ha.”

“Teka, marami pa akong itatanong kay—”

“Halika na, Gary.” At hinawakan ni Aling Cora ang kamay ng asawa at hinila ito sa labas ng kwarto.

“S-sandali—”

“Halika na.”

Nang maiwang mag-isa sa kwarto si Emily ay pinilit nitong umupo sa kanyang higaan. Pinilit niyang alalahanin ang mga nangyari, kung paano siya nakabalik sa kanilang bahay, at kanyang naalala ang mga nangyari.

Agad na nangamba si Emily, pagkat ang naging engkwentro niya kay Jerome ang kumumpirma sa kanyang mga kinatatakutan, sa gulong paparating sa Santa Monica.

At ang itim na pigurang kanyang nakita sa kanyang pangitain sa simbahan ay walang iba kundi si Jerome.

Ilang minuto nanatiling gising si Emily sa kakaisip tungkol sa engkwentro niya kay Jerome, hanggang sa nakaramdam na ito ng pagkagutom at pagkapagod. Kinain niya ang pagkaing iniwan ng ina, at bumalik na ito sa pagtulog.

Hindi naging payapa ang gabing iyon kay Emily.

Ang kanyang panaginip ay nabalot ng pangamba at takot.

Sa kanyang panaginip, nakita niya ang sariling nakatayo sa gitna ng kakahuyan, gabi na at napakadilim, halos wala siyang makita, hanggang sa narinig niyang muli ang isang nakakatakot na tinig na tumatawag sa kanya.

“Emily, Emily, Emily…”

Tumingin si Emily sa paligid, ngunit dahil sa napakadilim ng lugar ay wala siyang nakita maliban sa maraming puno na balot sa dilim.

Bagamat napakadilim ay naglakad lakad si Emily upang sundan ang tinig na tumatawag sa kanya.

“Emily…”

Muking narinig ni Emily ang tinig. Nagmula ito sa kanyang likuran.

Kahit natatakot, unti unting humarap si Emily, at nakita niya ang isang lalakeng may malaking ngiti, at may mga pulang nagliliyab na mga mata.

“Aaaahhhhhh!” Sa sobrang takot, napasigaw si Emily at natumba. Napahalakhak ng malakas ang lalake, sabay ang pagtubo ng dalawang malalaki at mapuputing mga sungay mula sa ulo nito.

At sa puntong iyon, nagising na rin ang dalagita, pawis na pawis ito at hinihingal.

“Jerome…” bulong niya sa sarili.

***

Alas otso ng umaga, May 14, 1980, Miyerkules.

Tahimik na nag-a-almusal ang buong pamilya nila Emily, walang nagsasalita sa kanila na para bang mayroon silang mga nais sabihin ngunt hindi nila masabi.

Naikwento ni Aling Cora sa anak kung paano ito nakauwi sa kanilang bahay. Ayon sa ina ni Emily, natagpuan siyang walang malay sa kalsada malapit sa kakahuyan ng La Oscuridad ng mga pulis, kasama ang kaibigan ni Emily na si Michael.

Ayon pa kay Aling Cora, ang mga pulis ay kagagaling lamang sa isang maliit na baryong sakop pa ng Santa Monica, in-eskortan nila ang Mayor, at kababalik lamang nila ng makita nila si Emily. “Swerte”, iyon ang deskripsyon ni Aling Cora sa pagkakatagpo kay Emily, pagkat maaring mas masama sana ang sasapitin ni Emily kung hindi ito agad na nakita.

Dahil sa nalaman, saka lang naintindihan ni Emily kung bakit siya ay nabubuhay pa rin. Maaring narinig ni Jerome ang mga sasakyan na parating kaya hindi nito nagawang mapatay ang dalagita.

Maaring ako’y nabubuhay pa rin ngayon pagkat nais ng Diyos na mayroon akong magawa upang pigilan si Jerome, napaisip si Emily.

Dahil sa “swerte” ni Emily, dahil natakasan niya ang kamatayan, mas lalo lamang itong mas naging pursigidong labanan si Jerome, na pigilan ang masasama nitong pakay sa Santa Monica.

“Ah…” sabi ni Emily.                      

Napatingin si Mang Gary at Aling Cora sa kanilang anak.

“Ma, Pa, aalis nga po pala ako ulit mamaya.” Nahihiyang sabi ni Emily sa mga magulang, hindi ito makatingin ng diretso sa kanyang nanay at tatay.

“Ah, Emily…” sabi ni Mang Gary. “Napag-usapan kasi namin ng iyong Mama na…”

Napatingin si Emily sa ama habang hinihintay ang karugtong ng sasabihin nito. “Na ano po, Pa?”

“Na hangga’t hindi pa kami siguradong ligtas ka, na hangga’t hindi namin alam kung ano ang nangyari sa’yo kahapon, kung sino ang may kasalanan, at wala ring report ang pulis…” dagdag ni Mang Gary, ngunit muli, hindi nito natapos ang nais niyang sabihin.

Mula nang mangyari ang engkwentro ni Emily kay Jerome ay wala pang napag-kwentuhan si Emily tungkol rito; maging ang mga kaibigan at magulang niya ay walang ideya sa kung ano ang tunay na nangyari.

“Hindi ka muna maaring lumabas ng bahay.” Pagtapos ni Aling Cora sa mga sinabi ng kanyang asawa.

“Ano?” sambit ni Emily, biglang tumaas ang boses nito. “Pero Ma, Pa—”

“Nakapag-desisyon na kami, anak. Para sa ikabubuti mo ito.” Maikling pahayag ni Aling Cora.

“Pero may kailangan akong—”

“Anak, makinig ka sa amin.” Diin ni Mang Gary.

Napatayo si Emily mula sa kinauupuan at hindi na napigilang maglabas ng kanyang saloobin. “Ma, Pa, kung habang buhay niyo akong planong pasunurin sa mga patakaran niyo, e bat hindi niyo nalang lagyan ng kandado ang kwarto ko at buksan niyo lang kung may kailangan kayo sa akin!”

Dahil sa sobrang sama ng loob ay tumakbo si Emily paakyat at nagkulong sa kanyang kwarto.

“Aba, ‘tong batang ‘to! Bumalik ka dito!” sigaw naman ni Mang Gary.

“Hayaan mo muna siya. Maiintindihan niya rin tayo.” Mahinahong sabi ni Aling Cora sa asawa.

***

Lumipas ang mga araw at hindi pa rin si Emily pinapayagang makalabas sa kanilang bahay. Mahigpit siyang binabantayan ng kanyang nanay at ng kanilang kasamabahay, maging ang kanyang mga kaibigang nais dumalaw ay hindi pinapapasok.

Ang pamilya ni Emily ay isa sa mga pinaka-may kayang pamilya sa Santa Monica. Ang kanyang ama ang may-ari at nagpapatakbo ng malalaking hardware stores sa Santa Monica at sa mga kalapit nitong bayan.

Dahil sa trabaho ng ama, tuwing gabi at umaga lang ito nasa kanilang bahay, kaya naiiwan si Emily kasama ang kanyang ina at kanilang kasambahay araw-araw.

Si Emily ay kaisaisang anak ng mag-asawang Gary at Cora, kaya sa mata ng iba ay tama lang na maging mahigpit at protektibo sila sa kanilang anak, pero para sa dalagita, minsan, siya ay nasasakal na, na tila ba’y bulag ang kanyang mga magulang sa katotohanang siya ay tumatanda na rin, na siya’y hindi na isang maliit na bata, na ang panahon kung kalian siya na ang magde-desisyon para sa kanyang sarili ay paparating na.

***

Alas kwatro ng hapon, Mayo 15, 1980, Huwebes.

Nakahiga lamang si Emily sa kanyang kama. Kakatapos lamang nito magbasa ng isang libro, ngunit dahil gulong gulo pa rin ang kanyang isipan dahil sa mga nangyayari, hindi ito nakapagbasa ng maayos, kaya itinigil niya ang ginagawa.

Gulong gulo pa rin ang isipan ni Emily. Habang tumatagal na hindi siya makalabas sa kanila, pakiramdam niya ay paliit ng paliit ang kanyang pagkakataong mapigilan si Jerome.

Kahit na walang tiyak na araw kung kalian mangyayari ang kinatatakutan ni Emily, ramdam niyang ito ay napakalapit na, maaring isa o dalawang araw na lang, kaya ganuon na lamang ang pangamba at pag-aalalang nararamdaman ng dalagita para sa Santa Monica.

“Emily!” May narinig ang dalagitang tumawag sa kanya mula sa labas ng kanilang bahay.

“Emily!”

Nagkaroon ng ngiti ang labi ni Emily, pagkat ang mga tinig na tumawag sa kanya ay nagmula sa kanyang mga kaibigang sina Mickey at Esme. Agad na tumayo ang dalagita mula sa kanyang hinihigaan at tumungo sa may bintana ng kanyang kwarto.

Sa labas ng kanilang bahay, nakatayo at nakangiti sina Mickey at Esme.

“Emily! Kumusta ka na?” nasasabik na sabi ni Esme.

“Okay na ako. Kayo, kumusta na?”

Bakas sa mukha ng tatlo ang labis na pagkatuwa sa muli nilang pagkikita-kita.

“Okay lang kami. Nakakainis naman kasi, pabalik-balik kami dito sa inyo, pero palaging bawal ka raw bisitahin, kaya naisip namin na dito ka na lang kausapin.” Sabi ni Mickey.

“Pasensya na ha.” Tugon naman ni Emily.

“Gusto mo ba, umakyat kami dito sa gate niyo at pumuslit papunta diyan sa kwarto mo?” seryosong sabi ni Esme.

“Ano ka ba, Esme!” sabi ni Mickey, natatawa ito sa narinig.

Natawa rin si Emily, pero dahil sa sinabi ni Esme, nagkaroon siya ng ideya.

“Huwag na,” sabi ni Emily. “Pero alam niyo ba kung paano niyo ako matutulungan?”

“Paano?” sabay na tanong ni Esme at Mickey.

At sinabi ni Emily ang kanyang mga plano sa mga kaibigan.

***

Habang sina Emily, Mickey, at Esme ay palihim na nag-uusap, si Jerome naman ay naglalakad ng mag-isa papunta sa La Oscuridad.Ang mga mata nito ay nagliliyab, at may malaking ngiti ang nakapinta sa mukha nito.

Hindi na makapaghintay si Jerome na mangyari ang mga plano niya para sa Santa Monica. Hindi na siya makapaghintay na makita ang mga taong umiiyak, nagkakagulo, nagdurugo, at namamatay.

Hindi na siya makapaghintay na sumapit ang kadiliman niyang inaasam para sa Santa Monica.

Bagamat ay batid ni Jerome na may isang taong taga Santa Monica ang may higit na kaalaman sa lahat, iniisip na lamang niya na ang isang bata at mahinang babae ay walang magagawa upang siya ay mapigilan.

At kahit pa man tangkain siyang pigilan ni Emily, ang oras ay patuloy na umaandar, umaandar na mabilis, walang makakapigil, walang makaka-istorbo. Hindi magtatagal, magiging sobrang huli na ang lahat para sa pakialamerang dalagita.

Habang siya ay masayang naglalakad, patuloy naman ang pagkagat ng dilim sa buong bayan.

Sa buong araw niyang pag-iikot sa Santa Monica, ramdam niya ang takot na bumabalot sa mga tao. Ito ay dahil sa pagbabalik ng mga kaluluwa ng mga taong lumipas na, sa kanilang pagpapakita at pananakot, na tila ba sila ay nagbabalik sa mundo ng mga buhay. Ito ay isa rin sa mga pakana ni Jerome.

Kasama ang pagpapalaganap ng takot sa mga plano ng binata para sa Santa Monica. Ang pagpapahina ng loob ng mga tao, ng pananampalataya, ng paniniwala, ay kasama sa mga plano ni Jerome, at ang makita ang mga taong natatakot, nagkakaroon ng mga pagdududa, ay labis na ikinasaya ng maitim na puso ng misteryosong lalake.

Habang patuloy niyang binabaybay ang tahimik na kalsada ay bigla na lamang itong tumawa ng sobrang lakas, na animo’y isang lalakeng nawala sa tama nitong pag-iisip.

***

May 16, 1980, Biyernes.

Sa kabila ng mga kakaibang pangyayari, mga misteryo at kababalaghang bumabalot sa bayan ng Santa Monica, pansamantala itong nakalimutan ng mga tao ng dumating na ang bisperas ng pista ng Santa Monica.

Maliban sa mismong araw ng kapistahan, ang bisperas rin ay isa sa mga pinaka-inaabangan at pinaka-pinapanabikang araw taon-taon sa maliit na bayan.

Tuwing bisperas kasi ay maraming mga tao ang dumadalo at nanonood ng masaya, mailaw, at maingay na parada na gaganapin mula alas siyete ng gabi pagkatapos ng misa, na mag-iikot sa pinaka-mahahalagang kalsada ng bayan, at didiretso na sa maluwag na basketball court sa harapan ng munisipyo, kung saan magkakaroon ng salo-salo, sayawan, mga palaro, at iba pa, kasama ang alkalde ng Santa Monica.

***

Alas tres kwarenta ng hapon.

Habang ang lahat ay naghahanda at nananabik sa gabing darating, walang tigil si Emily sa pagdarasal para sa kaligtasan ng mga tao sa Santa Monica. Malakas na kasi ang pakiramdam niya na sobrang lapit nang mangyari ng kanyang kinatatakutan.

Hindi niya alam kung ano ang mangyayari, kung kalian at saan ito ekstaktong mangyayari, ngunit ang malinaw lamang sa kanya ay marami ang masasaktang tao, marami ang mamatay, kung hindi niya magagawang pigilan si Jerome.

At kung patuloy pa ring makukulong ang dalagita sa kanilang bahay ay wala na siyang magagawa upang pigilan ang nakaambang panganib.

Pero sa kabila nito, may isang maliit pa ring pag-asa si Emily, pag-asang nakasalalay sa kanya at sa mga kaibigang sina Mickey at Esme.

Nang bumisita sina Mickey at Esme sa kanya noong Huwebes ng hapon, nakaisip si Emily ng plano kasama ang mga kaibigan para makatakas siya sa kanilang bahay, para magawa ang mga dapat niyang gawin para pigilan si Jerome.

Nagdarasal pa rin si Emily ng may marinig siyang mga pag-sipol mula sa labas ng bahay nila. Yun ang hudyat na dumating na sina Mickey at Esme upang isagawa ang kanilang plano.

Tumayo si Emily mula sa pagkakaluhod, at iniwan niya ang kanyang rosaryo sa higaan. Lumapit siya sa kanyang bintana, at nagpalitan lamang ang magkakaibigan ng mga pagtango, na hudyat na magsisimula na nilang gawin ang mga dapat nilang gawin.

Alas kwatro ng hapon eksakto nilang isinagawa ang kanilang plano, pagkat yun din ang oras kung kalian magpapahinga na ang Mama ni Emily, at kung kalian tanging ang kasambahay na lamang nila ang bantay ng tahanan.

Sasamantalahin nila Emily ang pagkakataong iyon upang makatakas ang dalagita sa kanilang bahay

Kumuha si Emily ng jacket mula sa kanyang aparador, kinuha niya rin ang rosaryo sa kanyang higaan, at maingat na itong lumabas sa kanyang kwarto.

Maya maya pa ay narinig na ni Emily na tumunog ang kanilang doorbell, hudyat na nagsimula na ang pagsasagawa ng kanilang plano.

Tumayo si Emily sa pinakataas ng kanilang hagdaanan at sinilip kung nasaan na ang kanilang kasambahay. Nakita ni Emily na naglakad ang kasambahay palabas ng bahay upang harapin ang mga nag-doorbell.

Nang makalabas na ang kasambahay at tumungo sa gate, mabilis nang tumakbo si Emily pababa sa hagdaanan. Naging maingat ito upang maiwasang gumawa ng ano mang ingay.

Sa kusina, mayroong isang pintuan na daanan papunta sa hardin nila Emily. Mula sa hardin, may daanan patungo sa harap ng kanilang bahay, at doon dumaan si Emily.

Nang marating na niya ang harapan ng bahay, bahagya muna itong nagmasid upang alamin kung nasaan ang kanilang kasambahay. Nakita niyang ito ay nakikipag-usap pa rin kila  Mickey at Esme.

“Pasensya na po, hindi pa rin po kasi pwedeng dalawin si Emily.” Sabi ng kasambahay.

“Ganun ba?” tugon naman ni Esme, na nagkunwaring nadismaya. “Sige, babalik nalang ulit kami bukas.

“Sige po. Pasensya na po ulit.”

At nagpaalam na sina Mickey ay Esme. Nang waring nakaalis na ang mga kaibigan ni Emily ay bumalik na rin sa loob ng bahay ang kasambahay. Wala itong ideya sa kung ano ang gagawin ni Emily.

Nang tuluyan nang nakapasok sa loob ng bahay ang kasambahay, ay mabilis nang tumakbo si Emily papunta sa gate. Mabilis niya itong binuksan, na dahilan para gumawa ng sobrang ingay na tunog. Di nagtagal ay nabuksan niya rin ang gate, at mabilis na itong tumakbo patungo sa mga kaibigan na nag-aabang lamang sa kanto.

Huli na ang lahat ng malaman ng kasambahay nila Emily kung ano ang nangyari. Nais sana nitong habulin ang dalagita, ngunit masyado nang malayo si Emily, at wala na siyang nagawa.

***

Nang makalayo, hindi na napigilang mapahalakhak ng malakas nina Emily, Mickey, at Esme, dahil sa kanilang ginawa.

Tumigil ang tatlo sa pag-takbo at nag-desisyong maupo muna sa ilalim ng isang malaking puno.

“Hahahaha!” pagtawa ni Mickey. “Nakita niyo ba yung itsura ni Ate ng makita niya kung ano ang ginawa mo, Emily?”

Dahil sa sinabi ni Emily ay lalo pang lumakas ang kanilang mga tawanan. “Oo nga eh. Nakakaawa nga si Ate, alam ko sumusunod lang naman siya kila Mama. Pero kailangan ko kasi talagang makaalis sa bahay, may mga bagay akong…”

Tumigil si Emily sa pagsasalita ng maisip niya ang mga bagay na hindi niya maaring sabihin.

“May mga bagay kang ano?” pagtataka ni Esme.

“Wala, kalimutan niyo na yung sinabi ko.”

“Emily, napapansin lang namin ni Esme, parang nagiging sobrang masikreto ka sa amin.” Pahayag ni Mickey.

“Oo nga naman, Emily. Ano ba talaga ang nangyayari?”

Sa puntong iyon ay naging seryoso na ang mga boses ng magkakaibigan.

“Ah, eh…” hindi pa rin tiyak ni Emily kung dapat nga ba niyang sabihin ang kanyang mga sikreto sa mga kaibigan.

“Emily, kami ang pinakamatalik mong mga kaibigan, kaya pwede mong sabihin sa amin ang lahat. Sa amin, ang sikreto mo ay mananatiling sikreto.” Paghimok ni Mickey.

“Hindi ko talaga alam kung dapat kong sabihin eh…”

“Emily, may tiwala ka ba sa amin?” tanong ni Esme.

“Oo naman!”

“Kung may tiwala ka sa amin, ikukwento mo sa amin lahat, kung bakit mo hinahanap yung ‘Jerome’ na yun, kung ano ang nangyari sa La Oscuridad noong Martes, at kung ano ang dahilan kung bakit gustong gusto mong makatakas mula sa bahay niyo.”

Hindi agad nakasagot si Emily. Pinag-isipan niya ang mga sinabi ng mga kaibigan.

Simula noong maliit pa lamang si Emily ay sina Mickey at Esme na ang kanyang mga pinakamatatalik na kaibigan. Simula pa noon ay sa kanila na siya nagkukwento ng kanyang mga problema, mga hinaing, mga nagpapapasaya sa kanya, at kanyang mga sikreto.

Kaya sa pagkakataong iyon ay naisip ni Emily na kung mayroon man siyang pagkukwentuhan ng mga nangyari at nangyayari sa kanya at sa Santa Monica, kina Mickey at Esme lamang siya magkukwento.

“Alam niyo, tama kayo.” Sambit ni Emily. Nag-desisyon na itong mag-kwento sa mga kaibigan. “Kung mayroon akong pagsasabihan ng mga sikreto ko, kayo yun.”

Ikinuwento ni Emily ang lahat. Ikinuwento niya ang mga nangyari simula noong Lunes, ang engkwentro niya kay Jerome noong Martes, ang kanyang mga bangungot at pangitain, hanggang sa kanyang mga “espesyal” na talento.

Nang matapos magkwento si Emily, naiwanang nakabukas ang mga bibig at nanlalaki ang mga mata nina Miceky at Esme.

“Uy, okay lang kayo?” tanong ni Emily sa mga kaibigan.

“Grabe,” ang tanging nasabi ni Mickey.

“Sabi ko na nga ba, eh! May mga alam kang hindi namin alam!” sabi naman ni Esme.

Naging sunod sunod din ang mga pagtatanong nina Mickey at Esme tungkol sa mga kwento ni Emily, at nang naging malinaw na sa kanila ang lahat, hindi na napigilan ni Esme na matanong si Emily, “Ano ang plano natin ngayon?”

“Natin?”

“Oo, natin!”

“Sorry, Esme, Mickey,” simpleng pahayag ni Emily. “Ako lang ang kalaban ni Jerome, huwag na kayong sumali, baka mapahamak lang kayo”

“Hindi, Emily.” Maikling sabi ni Esme.

“Sasama kami sayo sa ayaw at gusto mo.” Sabi naman ni Mickey.

“Hindi talaga pwede. Please, huwag na kayo maging mapilit.”

Tumayo si Emily mula sa pagkakaupo sa ilalim ng malaking puno. At sinabing “Hindi kayo sasama.”

“Emily!” Sumunod si Esme at Mickey kay Emily.

“Esme, Mickey, kaligtasan niyo lang ang iniisip ko! So please—”

“Emily, hindi lang naman para sayo kami sumasama! Sabi mo, may gulong parating dito sa Santa Monica,” sabi ni Esme. “At kung totoo ang sinasabi mo, pati pamilya naming, damay dun. Kaya hindi mo kami mapipigilang tulungan kang kalabanin yang ‘Jerome’ na yan!”

“Pero—”

“Wala nang pero pero!” pagputol ni Mickey sa sasabihin ni Emily. “Sasama kami sayo at hindi mo kami mapipigilan. Naalala mo ba ang nangyari sayo noong pinilit mo kaming iwanan ka sa La Oscuridad?”

Tama ang kanyang mga kaibigan, napaisip si Emily.

“Si-sige na nga!” sabi ni Emily. “Pero kailangan niyong maging lubos na maingat dahil lubhang peligroso si Jerome. Hindi ko alam kung anong uri siya ng tao, o kung ano ang mga kaya niyang gawin.”

Kapwa tumango sina Mickey at Esme sa kanilang kaibigan.

“At ikaw rin, Emily, kailangan mong mag-ingat.” Sabi ni Esme.

“Anong una nating gagawin? Hindi ba tayo hihingi ng tulong sa mga pulis, o kaya kay Kuya Michael?” tanong ni Mickey.

“Wala na tayong oras. Hindi maniniwala o makakatulong sa atin ang mga pulis kung wala tayong sapat na impormasyon o ebidensya. Kailangan na nating kumilos dahil malapit nang mangyari ang kaguluhan.” Sabi ni Emily. “Pupunta tayo sa La Oscuridad. Nararamdaman kong doon magtatapos ang lahat.”

***

The 14th chapter of Santa Monica: A Filipino Ghost Story is already published on Wattpad. Click here to read in advance.

Linggo, Hunyo 9, 2013

Santa Monica: A Filipino Ghost Story Chapter XII: Sa Pagkagat ng Dilim


Alas otso ng gabi, Miyerkules.

Galing sa ospital ng Santa Monica ay naglalakad pauwi si Olivia patungo sa “Red House”. Si Dr. Mark sana ang maghahatid sa kanya pauwi, ngunit nagkaroon ng emergency sa ospital, kaya minabuti ni Olivia na maglakad na lamang. Nakausap na ni Olivia si Aling Rosing tungkol sa sikretong itinago nito sa kanya. Ang sikreto ng “Red House”.

Ayon kay Aling Rosing, ang “Red House” ay ipinatayo ng gobernadorcillo ng Santa Monica noong 1858 -- taliwas sa una niyang narinig na gobernador-heneral ang nagpagawa nito -- noong ang Pilipinas ay nasa ilalim pa ng pamahalaang Español.

Simula raw ng naitayo ito hanggang noong 1993 – kung kailan huling nagkaroon ng karumaldumal na insidente -- ay samu’t sari nang mga pagpatay ang naganap sa bahay. Hindi na masyadong nagbigay detalye ang matanda tungkol sa mga pagpatay dahil na rin sa sinabi ni Olivia na sapat na ang kanyang narinig.

Maliban sa tawag na “Red House” ay tinatawag rin ito ng ilan bilang “Murder House”.

Bagamat ay medyo nagalit si Olivia dahil sa paglilihim sa kanya ni Aling Rosing ay agad din naman itong nawala pagkat naiintindihan niya ang mga dahilan ng caretaker.

Sinubukang payuhan ni Dr. Mark si Olivia na dapat na itong umalis sa bahay na iyon dahil parang mayroon daw talagang sumpa ang “Red House”, ngunit ipinagkibit balikat lamang ito ni Olivia. Tingin niya ay sadyang nagkataon lamang na maraming mga masasamang tao ang dati’y nanirahan sa bahay na iyon.

Tahimik na ang kalyeng dinadaanan ni Olivia, pero bigla na lamang siyang may mabigat na naramdaman, na para bang may mga matang tumitingin sa kanya. Kinilabutan si Olivia.

Para masiguro na walang taong sumusunod o umaaligid sa kanya, sinuri ni Olivia ang paligid. Siya na lamang ang tao sa kalyeng iyon, ni tunog ng mga sasakyan o mga hayop ay wala na.

Sinubukan ni Olivia na kalimutan ang naramdaman pagkat marahil ay guni-guni lamang niya iyon. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad na walang ibang iniisip kundi ang makarating lamang sa “Red House”.

***

Alas diyes ng gabi.

Dumating si Ella sa ospital ng Santa Monica dala ang isang maliit na bag kung saan nakalagay ang isang maliit na kahon. Tumakas lamang ang dalaga mula sa kanyang Yaya pagkat ayaw pa rin siyang payagang lumabas nito.

Hinahanap ni Ella si Dr. Mark ngunit hindi niya pa ito nahanap. Dahil hindi pa niya makita ang doctor ay pumunta muna si Ella sa ICU upang silipin si Steve, na kasalukuyang naka-confine at maiging binabantayan ng mga doktor at wala pa ring malay.

Mula sa labas ng ICU, sa salaming bintana, ay sinilip lamang ni Ella si Steve. Hindi mapigilan ni Ella na maluha dahil sa nangyari sa binata. Kahit na kailan lang sila personal na nagkakilala ni Steve ay tila ba agad nang naging mahalaga ang binata sa kanya.

“Ella?”

Nagulat si Ella nang may humawak sa kanyang balikat.

“Gabi na, ah? Kararating mo lang ba?” tanong ni Dr. Mark.

“Ay, Dr. Mark. Good evening po.” Sabi ni Ella, pinahiran niya ang luha sa kanyang mata.

“Are you okay?”

“Okay lang po ako.” Sagot ni Ella. “Kumusta na po si Steve?”

“Stable na siya. Pero hindi pa rin namin tiyak kung kailan siya magigising.”

Hinubad ni Ella ang bag na kanyang suot at may kinuha siyang isang maliit na kahon mula dito.

“Eto po, Dr. Mark.” Ibinigay ni Ella ang kahon kay Dr. Mark.

“Ano ito, Ella?”

“Savings ko po ang laman niyan.” Sabi ni Ella. “Utang ko po kay Steve ang buhay ko. Sana po gamitin niyo po ang pera para sa mga gastusin ni Steve dito sa ospital. Salamat po.”

“Ella, you don’t have to—”

“Please, Dr. Mark.” Mariing sabi ni Ella. “Aalis na po ako.”

Mabilis na naglakad si Ella palayo sa ICU. Nagtaka si Dr. Mark sa pagmamadali ng dalaga. Binuksan ng doktor ang kahon, at sa loob nito nakita niyang halos nasa limampung libo ang laman nito.

***

Nagpapahinga si Olivia sa master’s bedroom ng “Red House” nang magising ito dahil sa sobrang lamig ng temperatura. Napaupo ito sa kanyang hinihigaan, at doon niya lang napansin na naiwanan niyang nakabukas ang bintana.

Tumayo si Olivia upang isara ang bintana, ngunit bago pa man niya mahilang pasarado ang bintana ay napansin niyang may isang batang lalakeng nakatayo sa may tabing dagat, nakatingin ito ng direkta sa mga mata ni Olivia. Maliwanag ang buwan kaya malinaw na natatanaw ni Olivia na umiiyak ang bata.

Napaisip siya kung bakit sa ganoong oras ay may bata pa rin sa may tabing dagat. Sa nakita ay medyo nag-init ang ulo ni Olivia dahil sa kapabayaan ng mga magulang ng bata.

“Bata!” tawag ni Olivia. “Anong ginagawa mo diyan? Umuwi ka na!”

Pero hindi nagsalita ang bata, nanatili lamang ito sa kanyang kinatatayuan, umiiyak at nakatingin sa mga mata ni Olivia.

Naawa sa bata si Olivia. Nang mangyaring bababa na sana si Olivia upang sunduin ang bata ay nagulat na lamang siya sa nakita. May isang babae ang lumapit sa tabi ng bata at inakbayan ito, at tumingin din ng diretso sa mga mata ni Olivia.

Walang emosyon ang mukha ng babae, di gaya ng batang lalake na umiiyak.

Sa puntong iyon ay hindi agad nakapagsalita si Olivia. Labis labis ang pagtataka sa isip nito at hindi niya maintindihan kung ano ang ginagawa ng babae at ng bata sa may tabing dagat, bakit sila nakatitig sa kanya na tila ba ay may nais sabihin.

Natakot si Olivia.

Dali dali niyang isinara ang bintana. Pero hindi doon nagtapos ang mga wirdong pangyayari noong gabing iyon, pagkat bigla na lamang nagkaroon ng nakasusulasok na amoy sa kwarto, kasunod ang mga pagkalabog sa malaking aparador sa master’s bedroom.

Di nagtagal ay biglang bumukas ang pintuan ng aparador.

Pansamantalang tumigil ang mundo ni Olivia, na tanging pagtibok na lamang ng kanyang puso ang kanyang naririnig.

Isang batang babaeng nakasuot ng puting pajama ang naglakad palabas ng closet. Napakapayat ng batang babae. Ang buhok nito’y napagulo, at ang mga mata ng bata ay halos lubog na, na sa pang-kabuuan ay para bang ang bata ay inabuso at hindi inalagaan ng maayos ng mga magulang nito.

Sa sobrang takot ay hindi na napigilan ni Olivia na sumigaw ng malakas.

Sa puntong iyon ay nagising siya at napaupo mula sa hinihigaan. Ang araw ay hindi pa rin sumisikat at napakadilim pa rin sa kwarto. Pawis na pawis si Olivia at ang kanyang dibdib ay kumakabog pa rin.

Binuksan niya ang kanyang lampshade sa bedside table at kinuha ang tubig na kanyang dinala sa kwarto bago siya natulog.

Ngunit bago pa man mainom ni Olivia ang tubig ay nabitawan niya agad ito, dahilan para mahulog ang baso sa sahig at mabasag.

Sa may paanan ng kama ay may isang matandang babaeng nakatayo, ang mga mata nito ay purong puti, gayun na rin ang kanyang buhok na sobrang haba. Pero ang labis na tumakot kay Olivia ay ang pisngi ng matandang babae na mistulang kinutsilyo, kaya para bang may napakalaking ngiti sa mukha ng matanda.

“Umalis ka na dito!” sumigaw ang matandang babae, na halos napupunit na ang mga pisngi nito.

Mabilis ang mga sumunod na nangyari. Bigla na namang naamoy ni Olivia ang nakasusulasok na amoy na kanyang unang naamoy sa kanyang bangungot. Muli, nag bukas ang pintuan ng aparador, at lumabas ang napakapayat na batang babae. Pero hindi pa doon natapos ang bangungot ni Olivia.

Sa pintuan ng kwarto, unti unting pumasok ang mga nakakatakot na mga aparisyon. Una, ang babae at batang lalaking kanyang nakita sa may tabing dagat. Sumunod ang isang lalaking may nabubulok nang katawan, tumutulo pa ang napakabahong tubig mula sa katawan nito, ang mukha nito’y nabubulok na, inuuod, at nakakatakot. Tuloy tuloy ang pagpasok ng mga taong hindi kilala ni Olivia sa kwarto, ngunit lahat sila ay may kanya kanyang katangian na sobrang nakakatakot. Lahat sila ay para bang mga multong hindi matahimik.

Pinalibutan ng mga aparisyon si Olivia sa kanyang higaan.

Noo’y naisip ni Olivia na maaring ang kanyang mga nakikita ay ang mga napatay sa “Red House”.

Sa sobrang takot ay nanigas na lamang si Olivia sa kanyang higaan, hindi makagalaw, at napaiyak na lamang ng tahimik.

Di naglaon ay nagising na rin si Olivia.

Umaga na, at pag tingin ni Olivia sa orasan ay nakita niyang alas otso na pala. Dahil sa napanaginipan ay agad na tumingin si Olivia sa kanyang paligid, na para bang inaasahan niyang nasa isang bangungot na naman siya.

Wala na ang mga nakakatakot na aparisyon na kanyang nakita. Wala na ang mabahong amoy. Ngunit imbis na kumalma ay lalong natakot si Olivia.

Ang bintana na sigurado siyang kanyang isinara bago siya natulog ay nakabukas. Ang pintuan ng aparador na halos hindi niya naman binubuksan ay bukas na bukas. At ang baso ng tubig na kanyang dinala bago siya natulog ay nasa sahig at basag, ang tubig ay nakakalat pa rin at hindi tuyo, na tila ba ay kakalaglag pa lang ng baso.

Pero ang pinakatumakot kay Olivia ay ang mga mahahabang hibla ng puting buhok sa may paanan ng kanyang kama.

***

Alas diyes ng umaga, Huwebes.

Isang lalakeng kilala sa Maynila bilang Engineer Villamor ang nasa Santa Monica.

Nasa isa siyang maliit na kapihan, at nagiisip-isip tungkol sa mga bagay sa kanyang buhay.

Maraming problema ang inhinyero. Una, ang kanyang kasintahan. Medyo matagal na sila, ngunit hindi nauwi sa masayang katapusan ang kanilang pag-iibigan pagkat kakahiwalay pa lamang nila.

Ang dahilan ng kanilang paghihiwalay ay ang sobrang pagka-busy ng engineer sa kanyang trabaho na wala na siyang oras para sa nobya. Maliban dun ay nagkaroon din siya ng maiksi at bawal na relasyon sa kanyang katrabahong arkitekto.

At dahil sa maling nagawa ay nagkasunod sunod na ang mga problema ni Engr. Villamor.

Dahil sa nangyari ay iniwanan ni Engr. Villamor ang kanyang trabaho sa Maynila upang hanapin ang nobya. Dahil dito, nagkaroon ng konting gulo sa pagitan niya at ng kanyang ama, na siyang may-ari ng engineering firm na pinagtatrabahuhan niya.

Habang nasa kaduluduluhan ng kanyang pag-iisip ay bigla na lamang may isang binatang umupo sa table ni Engr. Villamor.

“Magandang umaga, Engineer Villamor.”

Nagulat ang inhinyero sa binata. “Sino ka? Bakit mo ako kilala?”

Ngumiti lamang ang binata na tila ba walang kahit anong sikreto ang pwedeng maitago mula sa kanya.

“Wag mo nang itanong.” Sabi ng binata. “Ikaw ang may kailangan sa akin, kaya wala kang ibang dapat gawin kundi makinig.”

Dahil sa mga problema ay mainitin rin ang ulo ng engineer. “Aba, eh loko ka pala eh! Ni hindi nga kita—”

“Sssshhhh…” sabi ng binata. “Makinig ka nalang.”

“Wag mo akong—”

“Pwede bang makinig ka muna?” nakangiti pa rin ang binata. Muli nanaman sanang magsasalita ang inhinyero, ngunit napilitan itong makinig nang sinabi ng binata na “Alam ko ang sagot sa lahat ng problema mo.”

Napatingin ang engineer sa mga mata ng binata. Ito’y sobrang lalim at ganda, na para bang biglang nahulog ang inhinyero sa isang makamandag at mapagmanipulang pag iisip ng misteryosong lalake.

“Alam ko ang mga problema mo. Alam mo bang…may isang solusyon lamang ako para sa lahat ng mga bagay na bumabagabag sa iyo ngayon?”

Sinuri ng inhinyero ang mga salita ng binata, saka sinabing “Nakikinig ako…”



***

Alas onse ng umaga, Huwebes.

Upang makalimot sa mga nangyari ay naisip ni Ella na pumunta sa Santa Monica High School upang tumulong sa paghahanda nito sa nalalapit na JS Prom. Naisip niya na maaring mas gumaan ang kanyang pakiramdam kung makakasama niya ang kanyang mga kaibigan.

Marami nang pagbabago ang nagawa ng mga estudyante at guro sa quadrangle ng paaralan kung saan gaganapin ang naturang prom sa Sabado ng gabi, February 13, 2010.

Busy kapwa ang mga guro at estudyante sa paaralan. May mga decoration na ng blue at pink na mga kurtina sa paligid ng quadrangle, mayroon ding mga track na labas-pasok sa paaralan na nagde-deliver ng mga sound system, mga upuan at mesa, at iba pang mga gamit para sa prom.

Tatlong oras na rin si Ella sa paaralan at medyo napagod na ito sa iba’t ibang mga gawain. Naisip ni Ella na gusto niya munang mapag-isa. Bumili siya ng isang maliit na mineral water mula sa canteen at nagtungo sa isang bench sa ilalim ng isang malaking puno, ang lugar sa paaralan na kanyang laging pinupuntahan pag nais niyang mapag-isa at mag-isip.

Kahit na medyo naging busy si Ella sa umagang iyon ay hindi pa rin niya lubos na nakalimutan ang mga kaganapan na biglang nagpabago sa kanyang buhay. Natatakot rin ang dalaga sa kalagayan ni Steve, pagkat maaring hindi na ito magising kailanman.

Bagamat hindi sinabi ni Dr. Mark na comatose si Steve, ay naiintindihan ni Ella ang mga bagay bagay.

“Hi, Ella.” Pagtawag ng isang lalake sa dalaga.

Pagtingin ni Ella ay nakita niyang papalapit na si Riley sa kanya. Nakasuot ang binata ng pulang t-shirt at bagong asul na maong. May dala itong isang maliit na notebook.

“Hello, Riley.” Pagbati ni Ella. Umupo si Riley sa tabi ng dalaga.

“Kanina ka pa ba nandito?” tanong ni Riley.

“Oo, mga tatlong oras na...”

“Ngayon lang ulit kita nakita, ah? Kumusta ka na? Nasa MQ building ka ba kanina?”

“Ayos lang ako, thank you sa pagtatanong.” Sabi ni Ella, sabay ngiti. “Nasa AB building ako, tumutulong sa pagre-record ng mga nabili ng school para sa prom.”

“Ahhhh, kaya pala di tayo nagkasalubong. Nasa MQ ako, sa student council office. Tumutulong akong i-ayos lahat ng mga invitations at programs.”

“Ahhhh…”

Pansamantalang naging tahimik ang dalawa, pero di nagtagal ay muling nagsalita si Riley.

“Ella, I’ve been meaning to ask you this. Dati ko pa ito gustong itanong, pero parang feeling ko, hindi ka masyadong nasa mood noon. Kaya ito na…”

Tumayo si Riley, at iniabot ang kanyang kamay kay Ella, na tila ba’y niyaya itong sumayaw. “Will you be my prom date?”

Wala sa isip ni Ella ang prom. Ni hindi nga sigurado ang dalaga kung nais niya bang dumalo, lalo na pagkatapos ng mga nangyari sa kanya. Pero sa kabila nito, para hindi mapahiya ang binata, ay sinabi ni Ella na “Sure, Riley. Payag akong maka-date mo.” Sabay ngiti.

“Talaga, Ella?”

“Oo.”

Halos naglulundag sa tuwa si Riley sa narinig. Natawa si Ella sa akto ng binata.

“Ella, teka lang ha. Ikakalat ko lang ang good news!” at tumakbo si Riley patungo sa Manuel Quezon building. Napangiti si Ella sa reaksyon ng binata.

Pero biglang napansin ni Ella ang dalang notebook ng binata na naiwan nito sa may bangko. May isang maliit na puting papel na nakaipit ang nahulog mula sa notebook.

Kinuha ni Ella ang notebook at pinulot ang nahulog na papel. Nang ibabalik na ni Ella ang puting papel sa loob ng notebook ay bigla na lamang may napansin ang dalaga. Agad niyang binuklat ang maliit na papel, at siyang gulat na lamang niya sa nakita.

Sa papel, nakaguhit ang isang lalake. Nakatayo ito, ang isang kamay nito ay nasa bulsa, at ang kabilang kamay naman ay may hawak na isang maliit na itim na notebook. Ang lalo pang mas nagpagulat kay Ella ay ang mga mata ng lalake. Ang mga mata lamang ng lalake ang tanging bahagi ng guhit na may kulay. Ito ay pula.

Hindi maikaila ni Ella na ang lalakeng nasa larawan ay parang ang lalake rin na humabol sa kanila ni Steve.

“Si…s-si Riley?” bulong ni Ella sa sarili, ang takot sa kanyang mga mata ay malinaw. “Maaari kayang siya ang—?”

Binitiwan ni Ella ang notebook at ang larawan, nahulog ito sa lupa, at mabilis niyang nilisan ang lugar.

***

Alas siete ng gabi, Huwebes.

Halos apat na oras nang nasa ospital si Ella, sa kwarto ni Steve, nag aabang at nagbabantay sa di tiyak na pag gising ng binata.

Ang lola ni Steve, ayon sa isang nurse, ay nag-tatrabaho raw sa mga oras na wala ito sa ospital upang pondohan ang mga gastusin ni Steve sa ospital, kaya walang kasama ang binata ng nadatnan niya ito.

Para kay Ella, ang ibinigay niyang pera ay kulang pa bilang kabayaran sa pagliligtas ng binata sa kanyang buhay, kaya taimtim na pinagdarasal ni Ella si Steve.

Dahil sa ginawa ni Steve para kay Ella ay labis na lamang ang tuwa sa puso ng dalaga ng malaman nitong inilipat na sa pribadong kwarto si Steve mula sa ICU. Gayunpaman ay comatose pa rin ang binata, paglilinaw ni Dr. Mark nang naitanong ni Ella, ngunit nasa mas maayos na itong lagay.

Di nagtagal ay narinig ni Ella na nagbukas ang pinto ng kwarto. Pag tingin niya ay pumasok ang isang matandang babae, may dala itong isang plastic ng mga prutas. Iyon ang unang pagkakataon na direktang nagkita si Ella at si Lola Perla.

Tumayo si Ella sa kanyang kinauupuan upang batiin si Lola Perla.

“Magandang gabi po.” Pagbati ni Ella. “Ako nga po pala si Ella. Kayo po si Lola Perla, diba po?”

“Ella?” nagtatakang sambit ni Lola Perla. “Ang kasama ni Steve sa La Oscuridad?”

“Opo.”

Hindi agad sumagot si Lola Perla.

“Oo, iha. Ako nga ang lola ni Steve.” Bakas sa mukha ng matanda ang lungkot at pagod na nadarama nito, ni hindi nito masyadong mapilit ang ngumiti. Sa mga mata ng matanda, nakikita ni Ella na marami itong gustong itanong.

“Maupo ka muna, Ella.” At muling umupo si Ella habang inaayos ni Lola Perla ang mga pagkaing kanyang dala sa isang maliit na mesa.

“Narinig ko kanina mula kay Dr. Mark na ikaw raw ay nagbigay ng pera para sa pang ospital ni Steve.” Sabi ni Lola Perla. “Maraming maraming salamat, Ella. Napakalaking tulong ang ibinigay mo sa apo ko.”

“Wala pong anuman.” Sagot ni Ella. “Malaki po ang utang ko kay Steve. Kung hindi po dahil sa kanya ay maaring wala na ako dito ngayon.”

Sa narinig ay biglang natigilan sa kanyang ginagawa si Lola Perla. Napaharap ang matanda sa dalaga.

“Ella, alam kong presko pa ang mga nangyari sa iyo. Pero, sana maintindihan mo, kailangan kong malaman kung ano ang nangyari…kung ano ang nangyari kay Steve.”

Hindi agad nagsalita si Ella, pagkat para sa kanya ay napaka-brutal na muling balikan ang mga nangyari noong gabing iyon. Pero pinilit nitong lakasan ang kanyang loob.

“Sige po, magsasalita na po ako.” Sambit niya.

Pansamantalang iniwanan ni Lola Perla ang kanyang ginagawa at umupo sa tabi ni Ella.

Ikinuwento ni Ella lahat, simula sa mga bangungot niya hanggang sa pagkikita nila ni Steve sa La Oscuridad, at hanggang sa tangkang pagpatay ng isang di makilalang lalake sa kanilang dalawa ng binata.

Nang matapos siyang magkwento ay kitang kita ni Ella ang reaksyon sa mukha ni Lola Perla. Labis ang takot, pangamba, at gulat sa mga mata nito.

“Ayos lang po ba kayo, Lola?”

“A-a-ayos lang ako.” Sagot ni Lola Perla.

Hindi makapaniwala ang matanda sa mga narinig. Labis ang kanyang pagkagulat. Talaga ngang nauulit muli ang napakadilim na mga panahon sa Santa Monica matapos ang tatlong dekada.

“May sinabi rin po sa akin si Steve…” sabi ni Ella. “Sabi niya, maaring lahat ng ito ay konektado sa mga nangyari noong 1980 sa Santa Monica.”

Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Lola Perla. Kahit na may hinala siyang maaring may alam si Steve tungkol sa mangyayari ay hindi niya ito lubos na inisip at inakala.

Sa puntong iyon ay naisip ni Ella na maaring may alam si Lola Perla tungkol sa mga nangyari noon sa bayan.

“Lola…isa po sa mga dahilan kung bakit nagtungo si Steve sa La Oscuridad ay para makahanap ng isang sagot tungkol sa sinasabi niyang masamang mangyayari.” Sabi ni Ella. “Pero ang sagot na iyon ay bahagi lamang ng mas malaking kasagutan.” Pansamantalang huminto si Ella, bago sinabing “At ang mas malaking kasagutan, ay ang mga nangyari noon sa Santa Monica. Ang katotohanan.”

Tumingin lamang si Lola Perla sa mga mata ni Ella.

“At naniniwala po ako na marami kayong nalalaman. Siguro po ay panahon na para magkwento kayo…” sabi ni Ella, sabay hawak sa kamay ni Lola Perla.

Napuno ng takot ang puso ni Lola Perla. Simula kasi nang mangyari ang mga nangyari noong 1980 sa Santa Monica ay napagdesisyunan ng lahat ng mga taong bayan na itago ang kanilang mga naranasan, na turingin iyon bilang isang ilusyon o bangungot lamang na kailanma’y hindi talaga naganap.

‘Yun din ang dahilan kung bakit halos walang nakalap na impormasyon si Steve noong naghahanap ito ng mga lumang diyaryo o libro sa library ng Santa Monica High School.

Alam ni Lola Perla na hindi nila maitatago habang buhay ang napakaitim na sikretong itinago nila sa mga sumunod na henerasyon ng mga taga Santa Monica. At ngayong muli ay nangyayari na nga ang mga nangyari noon, naisip ni Lola Perla na buksan na ang kanyang puso’t isipan upang ikwento ang kanyang mga nalalaman, lalo pa’t isang dahilan ang kanilang pagsi-sikreto sa kung bakit si Steve ay comatose ngayon.

“Magiging mahaba ang kwento ko, Ella. Magagawa mo bang makinig?”

“Opo.” Sagot ni Ella.

“Ang iyong maririnig ay base sa nabuong kwento mula sa iba’t ibang mga saksi sa mga kaganapan noon sa bayang ito. Ito rin ang opisyal na kwentong inilabas ng pulisya, at pinaka-pinaniniwalaang bersyon ng mga nangyari, bago napagdesisyunan ng mga taga Santa Monica na itago at kalimutan ang mga ito.”

“Ganito nagsimula yun. May 12, 1980…”

The 13th chapter of Santa Monica: A Filipino Ghost Story is already published on Wattpad. Click here to read in advance.

Huwebes, Abril 25, 2013

Why Are We Afraid of the Dark? (An Infographic from OnlineClock.Net)

fear-of-the-dark-infographic

Source: OnlineClock.net

Damsel in Distress


Sikat! Gwapo! Matangkad! Mestiso! May asawa! Pero hindi pa rin kumukupas ang kanyang kagwapuhan!

Yan si Vincent Calye , newly-wed with her lovely wife Ezza Mae Shuning-Calye . At kasalukuyan silang naninirahan sa bago nilang bahay sa Manila.

***

''Wow  ang ganda naman dito, HONEY!'' masayang sabi ni Ezza sa asawa habang binabaybay ang bago nilang tirahan.

'' Lalalalalala...'' sa di kalayuan nakarinig si Ezza ng babaeng kumakanta, sinundan niya ang tinig ng babae. Hanggang mapunta siya sa balcony .

Doon niya nakita ang isang babaeng nakauniporme , mataas ang buhok at maputi . Kinalabit ni Ezza ang babaeng nakauniporme .

''Lalalalala...''

At sa kanyang paglingon -- dun na napansin ni Ezza na wala pala itong dalawang mata!

''AAAAAAAAHHHHHH!!'' sigaw ni Ezza . Dali-dali namang pinuntahan ni Vincent ang asawa.

''Anong nang-'' napatingin si Vincent dun sa babaeng nakauniporme.


''Hi Vincent.... '' sweet na bati nung babaeng nakauniporme . Nabalot naman ng takot ang buong katawan ni Vincent sa dahilang wala itong mga mata.

''Remember me? Your number 1 fan. . .'' pagpapatuloy nung babaeng nakauniporme. At OO naalala ni Vincent ang babaeng nakauniporme , siya lang naman si ...

''S-Serene? D-d-diba p-patay k-ka n-na?'' nauutal na tanong ni Vincent.

Naalala na ni Vincent si Serene -- siya yung girl na patay na patay sa kanya noon pa .

Palagi siyang nagpapadala ng sweet notes para kay Vincent ngunit hindi ito pinansin . Palagi siyang gumagawa ng lunch para kay Vincent ngunit hindi ito nagugustuhan ni Vincent. At nung araw na magtapat si Serene kay Vincent -- ito ang tanging sinagot ni Vincent sakanya ''Ampangit mo pala pag malapitan  DULING !!!! WAHAHAAHAAHA''. Dahil sa depresyon napagdisisyunan ni Serene na tusukin ng barbeque stick ang dalawa niyang mata na sanhi naman ng pagkamatay niya.

''Hihihihi , patay na ang katawan ko pero puso't kaluluwa ko'y buhay pa rin ng dahil sayo...''

With all his strength nagawang makapagsalita ni Vincent kay Serene ..

''Ano bang kailangan mo Serene?''

''Ikaw . . .'' sweet na sabi ni Serene tsaka lumapit kay Vincent habang kumakanta.

''Lalalalala...''

''Hindi na ako duling , hmmm maganda na ba ako Vincent?''

Hindi na nagawang makapagsalita ni Vincent --

''Hmmm , siguro mas maganda kung pareho tayo. Lalalalala..''

''A-anong ibig mong s-sabihin?''

''Hayyss , nakakalungkot isipin pero kailangan kong gawin makasama ka lang habang buhay hihihi ... '' kumuha si Serene ng dalawang barbeque stick sa kanyang bulsa.

''Iwan mo na ako! May asawa na ako Serene!'' sigaw ni Vincent pero halatang kabado ito .

''Hihihihi , don't worry it wont hurt .'' sabi ni Serene kay Vincent habang hinahaplos nito ang mukha ni Vincent.

Gustong tumakbo ni Vincent pero hindi niya magawa , parang ice na nafrozen ang kanyang katawan dahil sa takot!

Then *TSUUUUKSSS*

Story submitted by: Migzylicious

Radio Station


“Good morning! Ako nga pala si Mary Rose Madasig at isang malaking karangalan sa akin ang mapabilalang sa  mga writer ng DZMT radio station,makakaasa po kayo na ibibigay ko ang aking buong panahon at talento para mas mapaunlad pa ang estasyon na ito.”

“Maraming salamat Mary Rose, at umaasa kaming maging maganda ang pagsasama natin ditto! Guys, since na baguhan itong si Mary Rose pakialalayan lang siya, you may now go to your assigned seat!” ani ng manager ng estasyon na si Ms.Gallardo sa kanyang mga emplyado.

Pagkatapos ng meeting ay bumaba na sa ground floor ang mga emplyado ng istasyon, maliban kay Mary Rose na nanatili sa 2nd floor habang tinitingnang mabuti ang bawat sulok ng istasyon.

Unang araw niya kasi ito sa trabaho matapos niyang maipasa ang exams at interview.

Malawak ang DZMT, mayroon itong dalawang palapag ang 2nd floor kung saan naroon ang managers office, ang kanilang conference room, gayundin ang drama room. Isa kasing AM station ang DZMT kung saan ang kanilang mga programa ay nahahati sa drama at public affairs, habang nasa ground floor naman ng istasyon ang kanilang technical department, kasama ang anchors' booth, kung saan nagsasalita ang mga anchors o announcers, at ang technical booth kung saan naroon ang mga technician habang minomonitor ang mga equipments ng station.

Bukod sa mga ito nasa groundfloor din ang newsroom ng istasyon .

Magkahalong kaba at excitement ang nararamdaman ni Mary Rose sa araw na iyon, matapos ifamiliarize ang kabuuan ng estasyon ay tinungo niya na ang newsroom kung saan siya magsusulat ng mga balita bilang isang news writer.

“Mary Rose, halika, tignan mo itong ginagawa ko,” ani ni Orkids isa sa mga news writer na makakasama niya sa istasyon.

Agad naman siyang lumapit sa tabi ni Orkids at tinitignan ang ginagawa nito sa computer.

“Naku mukhang kaya ko naman!” ani Mary Rose.

“Mabuti naman kung ganoon, mas maganda kung madali kang matuto, kasi dito sa estasyon tig-iisang news writer lang ang nakaduty.”

“Anong ibig mong sabihin,?” tila naguguluhang tanong ni Mary Rose

“Ganito kasi iyon, dito sa Dzmt kahit naka off air na tayo ay nakaduty pa rin ang newswritter,meaning tayo lang ang matitira ditto sa estayon.”

“Ano daw?, hindi ko pa rin naiintindihan!”

“Ganito yon Mary Rose, halimbawa ako ang duty ko, 8:00am -500 pm, pagdating ng 5pm uuwi na ako iisa naman ang papalapit sa akin .duty niya 5:00 pm hanggang 11pm, hahalili na naman sa kanya ang isa pang newswritter ng 11pm-hanggang 6:00am.”mahabang paliwanag ni Orkids

“Naku!,ibig sabihin kahit hatinggabi na tanging newswriter lang ang nandito?”

“Tumpak Mary Rose!”

Malapit ng mag-out si Orkids, mag aalas singko na kasi ng hapon, marami-rami na rin siyang natutunan sa trabaho ng isang newswritter at dahil isang masscomm student si Mary Rose, sisiw sa kanya ang paggawa ng mga balita.

“Hmm,....mukhang nararamdaman kong ito na ang magiging first and last station kong mapapasukan”,bulong ni Mary Rose sa sarili dahil sa labis niyang nagustuhan ang estasyon at ang kanyang trabaho.
“Naku Mary Rose, mukhang mapapasubo ka yata ngayon”, ani Orkids

“Anong ibig mong sabihin ?”

“Ano kasi Mary Rose eh , Si Jun, yung hahalili sa akin, nagtext, hindi daw muna siya makakapasok ngayon, hahabol  na lang daw siya mamayang 11pm” paliwanag ni orkids

Tila naiintindihan naman ni Mary Rose ang nais na ipahiwatig ng kasamahan  kaya nagmagandang loob na lang siya at nag-alok na siya na muna ang magduduty.

“Naku fren, maraming salamat talaga ha,you know what, I’m sure matutuwa ang manager natin sa kasipagan mo.”

Tumawa nalang si Mary Rose  sa tinuran ng kasamahan.

Matapos turuan ni Mary Rose si Orkids ng  mga dapat gawin ay umalis na rin ito.

Mag-isa na ngayon si Mary Rose sa loob ng newsroom habang nasa harapan ng computer at gumagawa ng balita.

Mag-aalas siyete na ng gabi nang makaramdaman siya ng gutom, kaya saglit muna niyang inihinto ang kanyang trabaho at lumabas ng estasyon.

Nasa Centro ng Cebu City ang kanilang estasyon kaya maraming mga kainan ang nakapaligid dito.
Natanaw niya ang karenderia,sa tapat ng  estasyon at doon siya nagtungo.

Umorder siya ng isang kanin at isang paksiw sa tindera.

“Bago ka ba diyan?”, tanong ng tinderang nagserved ng kanyang order.

“Oo”, ang matipid na sagot ni Mary Rose

“Ano ang trabaho mo diyan?”

“News writer”, muling sagot ni mary Rose

“Ah,”patango-tangong wika ng tindera.

Tila nahihiwagaan si Mary Rose sa reaksyon ng tinderang kausap niya, ngunit binaliwala  niya lang ito.
Pagkatapos kumain ay muli siyang bumalik sa newsroom, upang ipagpatuloy ang trabaho..

Hanggang 10:30 pm lang ang DZMT at mag-sisign off na ito  at pagkatapos noon mag-uuwian na ang mga anchors maging ang technician, at maiiwan na siyang mag-isa.

Soundproof ang isang radio station kaya anumang ingay sa labas ay hindi ito naririnig sa loob, kaya noong magpaalam ang mga bagong kasamahan ni Mary Rose na umuwi ay wala ng ibang naririnig sa estasyon kundi ang tunog ng keyboard sa computer na ginagamit niya.

Maya maya pa, naiihi siya kaya tinungo niya ang CR  na sa dulong bahagi pa katabi ng technical department.
Habang nilalakad ang aisle ay tila unti-unti naming lumamig ang hangin , sa wari niya ay may mga matang nagmamasid sa kanyang mga hakbang.

Binilisan niya ang paglalakad upang maabot ang Cr.

“Ano ba naman itong ilaw sa CR na ito, patay sindi.!Di bali na, “bulong ni Mary Rose sa sarili.

Pagkatapos ay mabilis niyang tinungo ang newsroom, ngunit bago paman niya ito narating ay nakarinig siya ng ingay mula sa 2nd floor ng estasyon kaya mabilis siyang umakyat sa hagdanan upang tignan kung saan nagmumula ang ingay na kanyang naririnig.

“Hay naku, baka guni-guni ko lang iyon, wala namang tao”, usal niya sa sarili.

Akmang bababa na siya sa hagdan ng makarinig siya ng isang napakalakas na tawa.

“wahahhaha...hhahahha”

Palinga-linga siya sa paligid ngunit wala siyang makitang tao, palakas na palakas ang halakhak.
“wahahhahahah...hhahahahahha....”

Napasigaw siya sa takot habang kumaripas ng takbo papuntang first floor.

Nasa first floor siya ngunit biglang nagdilim ang buong kapaligiran,

“Tulong-tulongan niyo ako,,...!”

Mabilis niyang tinungo ang pintuan palabas ng estasyon at dahil bukas ang karenderyang pinagkainan niya kanina ay doon siya tumakbo.

“Tubig-tubig,pahingi pong tubig!” ang wika niya habang naghahabol ng hininga.
Agad naman siyang binigyan ng tubig ng tinderang kausap niya kanina.

Ng mahimasmasan ay ikinuwento niya sa tindera ang kanyang naranasan sa loob ng estasyon, ngunit tila hindi na ito nagtataka.

“Naku miss, hindi ikaw ang kauna-unahang emplyado ng estasyon na  iyan ang may ganyang kwento.!”
“Anong ibig mong sabihin?”takang tanong ni Mary Rose.

Sa pakikipagkwentuhan niya sa tindera, napag-alamn niyang mayroon palang isang newswriter sa estasyong iyon ang nagpakamatay matapos mapatalsik sa estasyon matapos mahuling nakipagtalik sa loob ng radio station.

At hindi matahimik ang kaluluwa niya.

Kinabukasan agad na ipinasa ni Mary Rose ang kanyang resignation letter kay Ms.Gallardo.

Bagay na hindi na rin ipinagtaka ng manager ng estasyon.

Story submitted by: Meriam Gumanid

Biyernes, Pebrero 8, 2013

Santa Monica: A Filipino Ghost Story Chapter XI: Diary


Alas sais ng umaga, Miyerkules.

Nagising si Lola Perla pagkat may tumatawag sa kanya mula sa labas kanilang ng bahay.

“Aling Perla! Aling Perla!”

Tumayo si Lola Perla mula sa higaan at lumabas ng bahay upang harapin ang tumatawag sa kanya.

“Magandang umaga po, Aling Perla.”

“O, Lalaine, ang aga ah.” Sagot ni Lola Perla. Si Lalaine ay isang nurse sa ospital ng Santa Monica, at isa rin sa pinaka-malapit na kapitbahay ni Lola Perla.

“Aling Perla, ang apo niyo po...” Sabi ni Lalaine.

Kinabahan si Lola Perla sa tono ng boses ni Lalaine. “Ha? Anong nangyari kay Steve? Asan si Steve?”

Hindi pa man nakaka-sagot si Lalaine ay dali dali nang bumalik si Lola Perla sa loob ng bahay at umakyat sa pangalawang palapag, patungo sa kwarto ni Steve.

“Steve! Steve!”

Halos mahimatay si Lola Perla nang hindi niya nakita ang apo sa kwarto nito.

***

Nakaupo lamang si Ella sa waiting area ng ospital ng Santa Monica, hinihintay niya ang kanyang yaya, at naghihintay rin siya ng balita tungkol sa lagay ni Steve. Hawak hawak ni Ella ang bag ng binata, balisa pa rin ito at hindi makapaniwala sa mga nangyari.

Nakita ni Olivia ang dalaga. Kagagaling lamang niya sa canteen, bumili ito ng kape at sandwich upang ibigay kay Ella.

“Ella?” sabi ni Olivia.

Tumingin lamang at ngumiti si Ella kay Olivia. Ang mga mata nito ay puno pa rin ng takot at lungkot.

“Ayos ka lang ba?” tumabi si Olivia kay Ella. “Eto o, binilhan kita ng sandwich at kape. Baka nagugutom ka na.”

“Salamat po.” Sabi ni Ella at tinanggap ang pagkain.

“Kumusta na ang mga sugat mo?”

“Ayos na naman po.”

“Hinihintay mo pa rin ba ang sundo mo?”

“Opo.”

“Kung gusto mo, ako na maghahatid sayo. Tsaka pwede naman nating ireport sa pulis ang mga nangyari kanina.” Sabi ni Olivia, sabay patid sa balikat ng balisang dalaga.

“Ayos lang po ako. Hinihintay ko lang po ang balita tungkol sa lagay ni Steve.”

Palaisipan pa rin kay Olivia kung ano talaga ang nangyari sa kakahuyan na muntik nang pumatay kay Steve at Ella, kung bakit sila naroon sa ganoong oras.

“Magiging okay si Steve, wag kang mag alala.” Sabi ni Olivia. Di naglaon ay pinakawalan na niya ang tanong na ilang oras na ring nasa isipan niya. “Ella, ano ba talaga ang nangyari? Bat kayo nasa kakahuyan sa mga oras na iyon? Sino ang gustong pumatay sa inyo? Bakit ayaw mong ipaalam sa mga pulis ang nangyari?”

Hindi agad nakasagot si Ella. Nang maisip niyang mukhang nasobrahan ang kanyang pagtatanong, humingi ng paumanhin si Olivia. “I’m sorry, Ella. Sorry talaga.”

Sa pagkakataong iyon ay umiyak na si Ella. Niyakap ni Olivia ang balisang dalaga.

“Natatakot po ako…natatakot po ako…” sabi ni Ella.

***

Alas sais y medya ng umaga.

Inoobserbahan pa rin ni Dr. Mark kasama ang isang nurse si Steve. Nasa kritikal na kondisyon ang binata. Bagamat hindi duty noong araw na iyon, ay pinili ni Dr. Mark na personal na maging doktor ni Steve.

May saksak sa ibabaw lamang ng kanyang puso si Steve, ngunit ang pag-bagsak ng ulo nito sa bato ang pinaka-pangunahing sanhi ng kritikal na lagay nito.

Sa kasalukuyan ay nasa coma ang binata. At hindi tiyak ng doktor kung kalian magigising o kung magigising pa nga ba ang kanyang pasyente.

***

Nang makarating sa ospital si Lola Perla ay dali dali itong dumiretso sa ICU, kung saan kasalukuyang naka-confine ang kanyang apong si Steve.

“Doktor, ano pong nangyari?” sabi ni Lola Perla sa doktor na nag oobserba kay Steve.

Napansin ni Dr. Mark ang mga pangamba sa mata ng matandang babae. “Kayo po ba ang nanay ni Steve?” tanong niya.

“Ako po ang lola niya.” Sabi ni Lola Perla. “Diyos ko po. Anong nangyari sa kanya? Kumusta na siya?”

Hindi agad nakapagsalita si Dr. Mark.

“Doktor, ano po ang nangyari? Kumusta na po ang apo ko?”

“I’m sorry po, pero sa ngayon, nasa kritikal pa rin ang lagay ni Steve. Maaring hindi siya gumising sa loob ng isang araw, dalawa, tatlo, o mas matagal pa.” sandaling tumigil sa pagsasalita si Dr. Mark bago siya nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin ang totoo. “O maaring hindi na siya magising.”

Napaiyak na lamang sa tabi ng kanyang apo si Lola Perla.

***

Alas siyete ng umaga.

“Ella, bakit ka ba nasa lugar na iyon? Bakit ka umalis?” tanong ni Mariz, ang yaya ni Ella, pagkarating nila sa kanilang bahay.

“Yaya, pagod ako at sugatan. Pwede bang mamaya nalang natin to pag usapan?”

“Ella—”

“Yaya, please. Sorry, pero hindi ko pa masasagot ang mga tanong mo.” Sabi ni Ella. “And Yaya, sana wag mo na lang itong ipaalam kila Mommy at Daddy. I don’t want to bother them.”

“Hindi pwede, Ella—”

“Please, yaya?”

“Okay, sige.” Sagot ni Mariz.

Umakyat sa kanyang kwarto si Ella, matamlay ito at nanghihina. Umupo siya sa kanyang kama, at inilapag ang bag na dala niya sa kanyang tabi. Dahil sa pagod at takot na nadarama, mabilis na nakatulog si Ella.

***

Alas dose ng tanghali, Miyerkules.

Si Lola Perla ay nasa ICU pa rin ng ospital ng Santa Monica, sa tabi ng apo niyang si Steve. Simula ng dumating ang matanda sa ospital ay hindi na ito umalis sa tabi ng kanyang apo.

Habang hawak hawak ang kanyang Rosario ay taimtim itong nagdarasal. Ipinapanalangin niya ang kaligtasan ni Steve, at ng buong Santa Monica.

Nang marinig ni Lola Perla na sa La Oscuridad may nagtangkang pumatay sa apo niya ay nagkaroon ng panibagong takot na nadarama ang matanda. Napapaisip siya kung may alam ba si Steve sa panganib na malapit nang dumating sa Santa Monica. Batid niya ang espesyal na talento ni Steve, at wala siyang ibang nadarama kundi takot para sa apo kung may nalalaman nga ito tungkol sa kadilimang muling babalot sa bayan.

Balak sanang mag sumbong ni Lola Perla sa pulis, ngunit alam niyang kung ang demonyong minsa’y nanggulo sa Santa Monica ang may gawa ng karumal-dumal na bagay kay Steve ay walang magagawa ang mga pulis, na tanging Diyos lamang ang kanilang mapagkakatiwalaan.

***

Dalawampung minuto pasado alas dose, Miyerkules.

“Kumusta na si Steve?” tanong ni Olivia kay Dr. Mark. Ang dalawa ay kasalukuyang nasa canteen ng ospital ng Santa Monica at kumakain. Kababalik lamang ni Olivia sa ospital mula sa “Red House”.

“Nasa kritikal pa rin siyang kondisyon.” Sabi ni Dr. Mark. “Sa ngayon, wala pa akong nakikitang dahilan para maging kampante sa kanyang lagay.”

“Gaano ba kalala ang nangyari sa kanya?”

“I wish I can say na kaya niya, pero sa tingin ko, hindi masyadong nag-rerespond si Steve sa mga ginagawa namin sa kanya. Dahil sa malakas na pagbagsak ng ulo niya sa bato, kasalukuyan siyang nasa coma.” Bahagyang tumigil si Dr. Mark sa pagsasalita, bago sinabing “At to be honest, hindi ako masyadong nagtitiwalang magigising pa siya.”

“Diyos ko, kawawa naman siya. Sigurado akong mas lalong malulungkot si Ella pag nalaman niya to.”

“Ang magagawa lang natin ngayon ay mag dasal.”

Sa pagkakataong iyon ay muling dumampi sa isipan ni Olivia ang mga tanong na kanina pa’y bumabagabag sa kanya.

“Hindi ka ba nagtataka kung bakit naroon sila Steve at Ella sa La Oscuridad sa ganoong kadelikadong oras?”

“Wala akong ideya.” Sagot ni Dr. Mark. “Pero maraming kwento dito sa Santa Monica. Maraming haka-haka, maraming mga bulung-bulungan, maraming kababalaghan. Espesyal ang Santa Monica, at hindi ako magugulat kung mayroon ngang kakaibang nangyayari noong natagpuan natin sila Steve at Ella.”

“Do you believe it?” tanong ni Olivia.

“Alam mo, Olivia, hindi ako mahilig maniwala sa mga ganyan, lalo na at ako ay doctor na naniniwala lamang sa mga bagay na pinaniniwalaan ng siyensya. Pero itong linggo lang na ito ay nagbago ang mga paniniwala ko. At sa tanong mo kung naniniwala ba ako, oo, naniniwala na ako.”

“Ang daming nangyayari ngayon sa Santa Monica.”

Napangiti si Dr. Mark. “Kung magtatagal ka dito, dapat masanay ka na.”

Napatingin sa mga mata ni Dr. Mark si Olivia. “Talaga? Bakit naman?”

“Mahaba talaga ang kasaysayan ng bayan ng Santa Monica. Bagamat kung titingnan mo ang lugar na ito mula sa mata ng turista o bakasyonista, gaya mo, iisipin mong payapa at tahimik ang Santa Monica, na ito ay ang lugar na dapat mong puntahan kung pakiramdam mong mag muni-muni o magpalamig ng ulo. Pero para sa mga matagal nang nakatira dito, ilusyon lamang ang kapayapaan dito.” Sagot ni Dr. Mark. “Siguro nga, kung mahihina ang puso at isipan ng mga taga Santa Monica ay matagal na nilang nilisan ang bayang ito, eh, o di kaya naman ay nabaliw na. Minsan, magugulat ka na lang na nangyari ang isang bagay na nangyari dito.”

Lalong uminit ang pag-osyoso ni Olivia sa mga sinabi ng doctor. “Gaya ng?”

“Well, for one, yung mga nangyari sa ‘Red House’ na—” napatigil si Dr. Mark sa pagsasalita nang maalala niyang sa “Red House” nakatira si Olivia.

Napatango si Olivia. “Ah, ‘Red House’. Speaking of, may nalalaman ka ba kung bakit ‘Red House’ ang tawag ng ilang mga taga Santa Monica sa bahay ng mga Razon? Sa tinitirahan ko ngayon?”

Napalunok na lamang ang doctor at hindi agad nakasagot.

***

Nakatayo sa ibabaw ng matayog na bangin ang isang lalake. Sa kanyang kinalalagyan ay natatanaw niya ang buong bayan ng Santa Monica.

Sa mga mata nito ay kitang kita ang galit na nadarama nito. Hindi niya ikinakatuwa ang pagkabigo niyang patayin si Steve at si Ella.

Itinaas niya ang kanyang mga kamay, sabay sigaw, “Ang kadilimang minsa’y nakilala ng Santa Monica ay magbabalik. Humanda kayo pagkat ang inyong katapusa’y malapit nang dumating.”

Nagising si Ella bandang ala una ng hapon. Hindi siya sigurado sa mga narinig pero malinaw ang mensahe nito. Lalong kinabahan ang dalaga. Umupo si Ella at nag isip.

Hindi pa rin malinaw ang lahat sa kanya; ang sinasabing panganib ni Steve, ang sarili niyang mga bangungot, kung paano siya napunta sa La Oscuridad,  kung sino nga ba ang lalaking nagtangkang pumatay sa kanila ni Steve, at kung bakit gusto silang patayin nito.

Napansin ni Ella ang bag sa kanyang tabi. Doon lang ulit naalala ng dalaga na nadala niya pala ang bag ni Steve. Noo’y naalala niya rin ang sinabi ni Steve na dala na nito ang “sagot”. Kahit na hindi naman alam ni Ella kung “sagot” sa ano ang sinasabi ni Steve ay minabuti niya na ring hanapin ito.

Binuksan niya ang bag. Dahil sa kakaibang itsura nito, agad na nalaman ni Ella na ang tinutukoy na “sagot” ni Steve ay ang isang luma at maliit na itim na libro. Nanlamig si Ella pagkat ang librong iyon ay kapareho ng librong napaghinipan niya noong isang gabi.

Noong una’y hindi mawari ni Ella ang laman ng libro. Punong puno ito ng iba’t ibang bagay: mga salitang Latin, Tagalog, o mga guhit ng mga nakakatakot na mukha. Walang kahit anong nakapalagay sa libro ang naiintindihan ni Ella.

“Nasaan dito ang sagot na sinasabi ni Steve” bulong niya sa sarili.

Pero habang binubuksan ni Ella ang mga pahina ay narating niya ang bahagi ng libro na partikular na kumuha sa kanyang atensyon.

Sa taas ng pahina ay nakasulat ang petsang Mayo 12, 1980.

Sa ilalim nito ay nakita ni Ella ang isang tula.

Ang mga nakapalagay sa pahina ay:



Sa pagkagat ng dilim, may isang lalaking darating.

Mata niya ay pula, at ang dulot niya ay trahedya.

Ang mundo'y umiikot, pero panandalian itong titigil

Sa lugar kung saan ang mga buhay ay marami at mahalaga,

sa isang iglap, lahat ito ay maglalaho na.

Ang mga pumanaw ay muling magbabalik

Upang maghasik ng gulo at galit

Ang lugar na dati nilang kinalagyan,

Magiging kanila muli minsan sa magpakailanman

Ang mga budhing itim, ang mga pusong busilak

Lahat ito'y kukunin ng kadilimang kailanma'y hindi inasahan

Sa pagtitipon ng liwanag at dilim,

nakatakdang muling bumangon ang anghel na itim

Sa katawan ng isang tao,

Ang kapangyarihan ng kadilima'y mangingibabaw

At sa pagkagat ng dilim,

Wala kang ibang mapupuntahan

Tumakbo ka man ng matulin,

Sumigaw ka man ng malalim,

Ika’y mapapasailalim sa akin.



“Mayo 12, 1980?” napabulong si Ella. “Ano ang nangyari noon? Ano ang ibig sabihin ng tulang ito?”

Naisip niyang maaring ang tulang iyon ang “sagot” na sinasabi ni Steve kaya sinubukan niyang maghanap ng iba pang mga mensahe mula sa libro. Ang mga sumunod na pahina ay kapareho ng karamihan sa mga nakita niya; mga bagay na hindi niya maintindihan.

Pero sa huling pahina, may mga salitang nakasulat. Ang tinta nito ay presko pa na parang kakasulat pa lamang nito.

Walang nakasulat na petsa sa taas ng pahina, ngunit may isang maiksing tula sa ilalim nito na nagpa-nginig sa mga balikat ni Ella.



Sa pagbabalik ng anghel na itim,

Ang misyong hindi natapos ay itutuloy na

Sa bayan ng Santa Monica, ang wakas ay malapit na.

The 12th chapter of Santa Monica: A Filipino Ghost Story is already published on Wattpad. Click here to read in advance.


Lunes, Enero 7, 2013

Santa Monica: A Filipino Ghost Story Chapter X: Ang Demonyo


Nagsimulang maglakad ang lalakeng may mapupulang nagliliyab na mga mata patungo sa kinatatayuan ni Steve at ni Ella. Nakasuot ito ng itim na jacket at kupas na maong. Maliban sa mga mata ay hindi na matanaw kapwa ni Steve at ni Ella ang mukha ng lalake pagkat parang blanko ito at nababalot ng kadiliman.

“Ella, halika na!” hinila ni Steve ang kamay ni Ella at agad silang tumakbo.

Tila ba ay walang pakialam na siya ay matakasan, naglakad lamang kasunod nila Steve at Ella ang lalake.

Mabilis ang pagtakbo ni Steve, pero si Ella ay hindi masyadong makasabay dahil sa mga sugat sa paa nito. Mga ilang minuto lamang ang lumipas ay bumigay na ang mga binti ni Ella at siya ay tuluyang nadapa.

 “Ella!”

“Ahhhh…” naging masama ang pagbagsak ni Ella. “Di ko na kayang tumakbo, Steve.”

Tumigil si Steve sa pagtakbo at binalikan si Ella. Kinuha niya ang flashlight mula sa kanyang bag upang tingnan ang mga paa ni Ella.

“Steve, mas madali tayong matutunton ng humahabol sa atin dahil sa ilaw mo!”

Hindi sumagot si Steve.

“Steve, ano ka ba! Tumakbo ka na!” sambit ni Ella.

Matapos makita ang duguan at sugatang paa ni Ella, sumagot si Steve “Hindi kita pwedeng iwan dito, Ella, alam mo yan!”

“Pag di ka tumakbo, pareho tayong mapapahamak.”

“Tingin mo ba mas magiging okay para sa akin pag nakaligtas ako at alam kong may iniwanan ako? Na may nangyaring masama sa kanya dahil inuna ko ang sarili kong kapakanan?” sagot ni Steve.

Hindi sumagot si Ella. Nagulat ito sa kabaitan at katapangan ni Steve. Tuloy ay napaisip siya kung bakit sa tagal nilang dalawang naging magka-klase ay kailanman ay hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na kilalanin ang isa’t isa.

“Halika, Ella, umakbay ka sa akin.” Sabi ni Steve at tinulungan niyang tumayo si Ella. “Tingin ko, malayo na tayo sa lalakeng humahabol sa atin. Pero kailangan pa rin nating magtago ng mabuti habang di mo pa kayang tumakbo.”

“Salamat, Steve.”

“Walang anuman.”

Tinulungan ni Steve na maglakad si Ella patungo sa likod ng isang may kalakihang puno at doon sila nagtago.

“Siguro ay dapat dito na tayo magpalipas ng dilim kung hindi tayo matutunton ng humahabol sa atin. Mas ligtas kung aalis tayo dito sa La Oscuridad pag maliwanag na. Teka, paano ka nga ba napunta dito?” tanong ni Steve kay Ella.

“Hindi ko alam at hindi ko rin masyadong maalala. Napakalabo, pero parang sa panaginip ko, may naririnig akong boses, at sinusundan ko ito.” Bahagyang tumigil si Ella sa pagsasalita.

“Ella? Ayos ka lang ba?”

“Ah, oo.” Muling tumigil si Ella sa pagsasalita, pero itinuloy niya pa rin ang sasabihin. “Tapos nang magising ako, nandito na ako sa lugar na kailanman ay hindi ko pa napuntahan. At ngayon, hinahabol ng lalakeng hindi ko man lamang kilala. Kilala mo ba ang humahabol sa atin, Steve?”

“Hindi ko siya kilala. Pero tiyak kong siya ang…” hindi itinuloy ni Steve ang kanyang sasabihin.

“Ang?”

“Ah wala..basta.”

“Eh ikaw, bat ka narito?”

“Mahabang kwento.”

“Marami akong oras para making, Steve.”

Hindi agad sumagot si Steve. Pero naisip niyang mapagkakatiwalaan niya naman si Ella, kaya sinagot nito ang tanong ng dalaga. “Narito ako upang maghanap ng sagot.”

“Sagot?”

Napangiti si Steve. “Ayos lang kung iisipin mong nababaliw na ako, pero naniniwala ako na may masamang mangyayari sa Santa Monica, sa mga mamamayan nito. At ang sagot na makakatulong sa akin upang pigilan ito ay narito sa La Oscuridad. Nasa treehouse.”

Hindi agad nagsalita si Ella.

“Ella?”

“Ha?”

“Okay ka lang?”

“Ah oo.” Sabi ni Ella. Batid ni Steve na may gusto rin itong sabihin pero ayaw lang nitong magsalita. “Pero paano mo naman nalaman na may masamang mangyayari sa Santa Monica? Paano ka rin nagka-ideya na narito ang sagot?”

“Sabihin nalang natin na, may kakayanan ang magkaroon ng konting mga pangitain.”

“Talaga? Parang mga visions, ganun?”

“Siguro. Pero wala sa aking kontrol ang mga kakayahan ko. Kusa lang itong dumadating, hindi kung kalian ko gustuhin o kung kalian ko hindi kailangan.”

“Kailan mangyayari itong sinasabi mo?”

“Hindi ko batid kung kalian at saan. Pero sigurado ako sa isang bagay…malapit na itong mangyari.”

“Gaano kalapit?” tanong ni Ella.

“Maaring bago matapos ang linggong ito.”

Natakot si Ella sa sinabi ni Steve, pero itinago niya ang takot sa kanyang mga mata.

“At ang sagot na sinasabi mo? Nakuha mo ba?”

Napangiti si Steve kay Ella. “Sa awa ng Diyos, hawak ko na ang sagot.”

***

Alas tres ng umaga, Miyerkules.

“Paborito mo rin pala ang Nirvana.” Sabi ni Dr. Mark kay Olivia, na tinutukoy ang isang sikat na rockband noong dekada nobenta.

Silang dalawa ay nasa kotse ni Dr. Mark at pauwi na sa Santa Monica mula sa sa bayan ng Santa Theresa. Nakikinig sila sa kantang Smells Like Teen Spirit ng Nirvana.

“Ah, oo. Sila talaga yung pinaka-paborito ko simula pa noong sumikat sila hanggang ngayon.” natatawang sabi ni Olivia. “Alam mo bang nagkulong ako sa kwarto ko noong nabalitaan ko na nagpakamatay si Kurt Cobain?”

Nagtawanan silang dalawa.

“Wow, that’s surprising. Noong bata pa ako, wala akong kilalang kahit sinong kaedad ko na nakikinig sa kanila. Mahigpit kasi ang mga magulang namin sa mga kantang pinapakinggan namin noon ng mga kalaro ko. Maingay raw ang Nirvana. Pero as the stubborn kid that I was, nakinig at in-enjoy ko pa rin ang musika nila.”

“Well, dapat nakilala mo na ako noon pa lang. Isa siguro ako sa kakaunting mga babaeng mahilig sa maingay na musika. Bakit kasi di mo ako hinanap?”

Muling nagtawanan ang dalawa. Hindi nila alam na may mga buhay na magiging nakasalalay sa kanila sa loob lamang ng ilang minuto.

***

Alas tres diyes ng madaling araw.

Higit kumulang isang oras na ang lumipas simula ng magtago sila Steve at si Ella sa likod ng isang may kalakihang puno. Natutulog silang dalawa ng biglang nagising si Steve. May narinig siyang mga pagyapak sa di kalayuan.

“Ella…” pagbulong nito sa katabi. “Ella, gising! May dumarating!”

“A-ano?” bumilis ang tibok ng puso ni Ella.

“Okay na ba ang paa mo? Kaya mo na bang tumakbo?”

Hinimas ni Ella ang kanyang mga paa. “Tingin ko..”

Nakinig-kinig muna si Steve. “Eto ang sapatos ko, ikaw na ang magsuot.” Ibinigay ni Steve ang kanyang sapatos kay Ella. “Ella, pag sinabi kong takbo, subukan mo akong sabayan. Naiintindihan mo ba? Kailangan nating makalabas sa kakahuyan, kung hindi ay baka dito tayo mamatay.”

“Oo.”

Papalapit ng papalapit ang mga pag yapak.

“Bibilang ako ng tatlo. Pagkatapos ay kailangan na nating tumakbo.” Bulong ni Steve.

“Oo, Steve.”

“Isa…”

Papalapit ng papalapit ang lalake.

“Dalawa…”

Hinawakan ni Steve ang kamay ni Ella.

“Tatlo…takbo!”

At agad silang tumakbo mula sa likod ng puno. Habang tumatakbo ay lumingon si Ella, at nakita niya ang lalakeng may mapupulang mata. Nanlambot ito na muntikan na naman siyang madapa.

“Ayos ka lang ba, Ella?”

“Oo, okay lang ako.”

“Hindi kayo makakatakas!” sigaw ng lalake mula sa di kalayuan.

Maya maya pa, habang tumatakbo, ay may natanaw si Steve sa di kalayuan.

“Ano yun?” tanong ni Ella.

May nakita silang pares ng ilaw. Napangiti si Steve sa nakita, bahagya silang napatigil sa pagtakbo.

“Malapit na tayo sa highway, Ella!”

“Makakaligtas na tayo!” natutuwang sabi ni Ella.

“Tara, bilisan natin!”

Binilisan nilang dalawa ang pagtakbo. Hindi nagtagal ay narating nila ang daanan paakyat sa highway. Medyo matayog ito, isang mababang bangin.

“Kaya mo ba, Ella?” tanong ni Steve.

“Hindi ko alam, pero kakayanin ko.” Sabi ni Ella.

“Sige, tutulungan kita. Mauna ka na—”

“Akala niyo makakatakas kayo?”

Narinig nila ang isang tinig. Napalingon silang dalawa at nakita ang lalake sa di kalayuan. Nagliliyab pa rin ang mga mata nito.

“Sabi ko naman sa inyo diba, hindi kayo makakatakas.” Dagdag nito. “Nagpagod pa kayo…at ginalit niyo lang ako.”

“Dali, Ella, umakyat ka na!”

Tinulungan ni Steve si Ella na umakyat. Ang mga maliliit na halaman ang nagsilbing hawakan ni Ella sa pag akyat nito.

Pag lingon ni Steve sa kanyang likuran ay wala ang lalake. Imbes na mapa-kalma ay lalo siyang kinabahan.

“Ella, dalian mo!”

“Malapit na ako, Steve, konti nalang.”

Di nag tagal ay naabot ni Ella ang tuktok.

“Nandito na ako, Steve! Umakyat ka na!”

“Sige!”

Itinapon ni Steve ang kanyang bag patungo sa tuktok at nagmadali siyang akyatin ang mababang bangin patungo sa highway. Pag tingin niya sa kanyang likuran ay wala pa rin sa paligid ang lalake. Nang maabot ni Steve ang tuktok ay laking gulat nito pagkat nasa likuran na ni Ella ang lalake.

“Ella! Sa likod mo!”

May dalang kutsilyo ang lalake. Itinaas nito ang kanyang kamay upang saksakin si Ella pero tumakbo si Steve upang salagin ang kutsilyo. Dahil sa ginawa niya ay nasugatan ang kanyang kamay.

“Steve!” napasigaw si Ella.

“Tumakbo ka na, Ella!” Kahit na sugatan at duguan ang sariling kamay ay pilit pa ring pinipigilan ni Steve ang lalake na maigalaw ang mga kamay nito.

Nagsalita ang lalake sa malalim nitong boses, “Wag ka nang magpaka-bayani, Steve.”

Kahit kaharap na kaharap na ni Steve ang lalake ay hindi niya pa rin makita ang mukha nito pagkat balot ito ng kadiliman, tanging mga mata lamang nito ang nakikita.

Tumakbo si Ella upang humingi ng tulong. Umaasa siyang muli ay may sasakyang dadaan.

Nabuhayan si Ella ng loob ng may nakita siyang pares ng ilaw.

“Tulong! Tulong!” sigaw niya.

***

“Paalam, Steve.” Sabi ng lalake.

Tinadyakan nito si Steve. Nang makawala ang mga kamay niya ay agad niyang sinaksak si Steve at sinipa sa mababang bangin. Nawala si Steve sa kanyang balanse at agad na nahulog.

“Muli, paalam, Steve.” Tumawa ang lalake, ngunit napalitan ang saya nito ng galit ng mapansin nitong may paparating na sasakyan.

***

“Mark! Tumingin ka sa daan!”

Kapwa nakita ni Dr. Mark at ni Olivia ang isang babaeng tumatakbo at umiiyak, humihingi ito ng tulong. Kasalukuyan silang nasa isang napakadilim na daan, malapit sa kakahuyan ng La Oscuridad.

Itinigil ni Dr. Mark ang sasakyan at agad silang bumaba ni Olivia sa kotse at nilapitan ang umiiyak na dalaga.

“Hija, anong problema?” tanong ni Dr. Mark.

“Tulungan niyo po kami. May humahabol po sa amin.” Umiiyak ang dalaga. “Papatayin niya po kami! Tulungan niyo po si Steve!”

“Ano? Asan sila?” sabi ni Dr. Mark, halata ang pag aalala sa mga mata nito.

“Nandoon po sila!” sabi ni Ella sabay turo sa di kalayuang bahagi ng daan.

“Mark, halika na!”

“Dito ka lang, hija.” Sabi ni Dr. Mark at agad silang tumakbo ni Olivia sa lugar na itinuro ni Ella.

Pag dating nila sa lugar ay wala na si Steve o ang sinabi ng babaeng lalakeng gustong pumatay sa kanila. Napansin ni Dr. Mark ang isang bag sa daan. Binuksan niya ito at nakahanap siya ng flashlight.

Lumapit ang doktor sa may dulo ng bangin upang suriin ang lugar.

“Saan ka pupunta?” tanong ni Olivia.

“Kailangan kong hanapin ang Steve na sinasabi nung babae. Baka may mangyaring masama sa kan—” Natigilan ang doktor.

“Anong problema?” tanong ni Olivia.

Sa baba ng mababang bangin, nakita niya ang isang binatang nakabulagta at duguan. Ang ulo nito ay nakasandal sa malaking bato, puno ng dugo, at mukhang malala ang tama.

Lumapit si Olivia at nakita niya rin ang binata. “Diyos ko.” Napabulong ito.

Chapter XI: Diary of Santa Monica: A Filipino Ghost Story is already published on Wattpad. Click here to read in advance.

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Your Ad Here

Disclaimer

The pictures and videos posted here in PHS aren't our properties unless stated. We get pictures and videos from the internet and post it here. Some stories also came from the internet and we carefully credit the stories to its respectful owners or sources. However, if you have or if you own something here in PHS, you can tell us to remove it and we will do so if we have confirmed that you're the owner. Tell us at pinoyhorrorstories@gmail.com

Some stories/videos/pictures of PHS are properties of PHS. It can be written by PHS authors, or submitted by a PHS reader.

We allow the readers to share the posts and stories posted here in PHS to other websites as long as they properly SOURCE or CREDIT the story to us.

STORIES, VIDEOS, OR PICTURES that are posted here can either be FICTIONAL or a REAL ENCOUNTER.

WE ARE TERRIBLY SORRY FOR SOME MINOR GRAMMATICAL AND TYPOGRAPHICAL ERRORS IN THIS BLOG. WE ARE NOT PROFESSIONAL WRITERS, WE HOPE YOU UNDERSTAND. THANK YOU.

  © Blogger templates Romantico by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP